Ni: Clemen Bautista
KINILALA at ginantimpalaan ng Ynares Eco System (YES) To Green Program ang mga bayan, barangay at paaralan sa Rizal na pawang nanguna at tumupad sa isinasaad ng YES To Green Program na flagship project ni Rizal Governor Nini Ynares.
Ito ang isa sa mga proyektong inilunsad ng pamahalaan panlalawigan na may kaugnayan sa pangangalaga at pagmamalasakit sa kapaligiran. Ang pagkilala at pagkakaloob ng gantimpala o premyo ay naging tampok na bahagi ng pagdiriwang ng ikaapat na anibersaryo ng YES To Green Program noong ika-26 ng Setyembre, kasabay ng kaarawan ni Rizal Gov. Ynares.
Ang awarding ceremony ay ginanap sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang mga pagkilala at gantimpala ay iniabot nina Rizal Gov. Nini Ynares, Vice Gov. Dr. Rey San Juan, Jr., at ng mga miyembro ng Sanggunian Panlalawigan. Ibinatay ang pagkakaloob ng pagkilala at gantimpala sa anim na kategorya na nakapaloob sa YES To Green Program tulad ng “Cleanest Waterways”, “Greenest Barangays”, “Most Disaster Resilient Barangays”, “Best Functional Barangay Material Recovery Facilityies (MRF)”, at “Luntian Paaralan at Malinis na Kapaligiran”.
Ang mga nanguna sa “Cleanest Waterway” ay ang Angono, Tanay at ang Barangay Calawis sa Antipolo. Ang gantimpala ay tig-isang YES garbage truck. Nanguna naman sa “Greenest Barangay” ang Bgy. Mahabang Parang, sa Angono; Bgy. Cuyambay, sa Tanay; at Bgy. San Jose, sa Antipolo City. Sila ay pawang tumanggap din ng tig-isang YES garbage truck. Sa “Most Disaster Resilient Barangays” ay napili ang Bgy. Sto. Domingo, sa Cainta; Bgy. Banaba, sa San Mateo, Rizal; at ang Bgy. San Isidro, sa Antipolo City. Ang gantimpala ay tig-isang YES cargo tricycle, spine board, mga medical kit at crush helmet.
Nanguna naman sa “Best Functional Barangay MRF” ang Bgy. San Isidro, sa Antipolo; Bgy. San Roque, sa Cainta, Rizal; at ang Bgy. Prinse, sa Teresa, Rizal.
Ang mga awardee ng “Luntian Paaralan at Malinis na Kapaligiran” ay limang paaralan sa bundok at limang paaralan sa bayan. Sa bundok, pinarangalan ang Nazareneville Elementary School, Mayamot Elementary School, Old Boso-Boso Elementary School, at Binayoypo Elementary School. Ang mga awardee na paaralan sa bayan ay ang Bgy. Bagong Nayon Uno Elementary School, Bgy. Bagong Nayon Dos Elementary School, Antipolo National High School at San Isidro National High School.
Ang mga awardee naman sa ikalawang distrito ng Rizal na “Luntian Paaralan at Malinis na Kapaligiran” ay ang Justice Vicente Santiago Elementary School, sa San Mateo; Wawa Elementary School at Sampaloc Elementary School, sa Tanay; Tomas Claudio Elementary School, sa Morong; Tuna-Balibago Elementary School, sa Cardona; Burgos Elementary School, sa Rodriguez, Rizal; Prinsa Elementary School, sa Teresa, Rizal; Ampid Elementary School sa San Mateo, Rizal; Sipsipin Elementary School, sa Jalajala, Rizal; Corazon Aquino Elementary School at Southville Elementary School. Ang gantimpala ay mga kitchen utensil at mga gardening tools.
Bukod sa mga binigyan ng pagkilala at gantimpala ng YES To Green Program, may 93 barangay pa sa 13 bayan at isang lungsod sa lalawigan ang binigyan ng gantimpala sa pagkakaroon ng mga Barangay MRF. Walo sa Antipolo, lima sa Angono, apat sa Binangonan, apat sa Cainta, dalawa sa Taytay, lima sa Baras, 15 sa Cardona, apat sa Jalajala, lima sa Morong, anim sa Pililla, isa sa Rodriguez, sampu sa San Mateo, 16 sa Tanay at siyam na barangay sa Teresa, Rizal.
Sa bahagi ng mensahe ni Rizal Gov. Nini Ynares, pinasalamatan niya ang mga mayor at opisyal ng barangay at ang mga taga-Rizal sa patuloy na pakikiisa sa mga layunin ng YES To Green Program.