Ni LEONEL M. ABASOLA
Suportado ni Senador Bam Aquino ang plano ng Senado na alisin sa Philippine National Police (PNP) ang P900-million Oplan Tokhang budget at ilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang bagong pangunahing ahensiya sa giyera kontra ilegal na droga.
Ayon kay Aquino, nararapat lamang na ilipat sa PDEA ang budget upang magamit sa kampaya laban sa droga.
“Sinusuportahan natin ang plano ng Senado na ilagay ang nasabing pondo sa PDEA. Kailangan din suriin muli ang kabuuang budget ng PNP na tumaas ng P20 bilyon, mula sa P111 bilyon noong 2017 ay naging P131 bilyon para sa 2018,” dagdag ni Aquino.
Nais din ni Aquino na gamitin ng PDEA ang dagdag na pondo para sa training ng mga tauhan nito at pagpaparehab ng mga mahuhuling gumagamit ng droga at hindi bilang bonus para sa quota.
Sa ilalim ng mandato ng PDEA, ang naturang ahensiya ang pangunahing grupo na lalaban sa droga at hindi ang alinmang ahensiya ng pamahalaan.
Aminado si Aquino na malaking hamon ito sa liderato ng PDEA lalo pa’t kapos sila sa mga tauhan.
“A lot of pressure is on PDEA to do this right and without the backlash of the killings and collateral damage,” sambit ni Aquino.