Nina RIZALDY COMANDA at ROMMEL TABBAD
BAGUIO CITY – Isang 68-anyos na lalaki ang nasawi habang 132 katao ang lumikas sa Apayao, ang pinakamatinding naapektuhan sa pananalasa ng bagyong ‘Odette’ bago ito tuluyang lumabas sa Philippine area of responsibility (PAR) kahapon.
Kinilala ng Apayao Police Provincial Office ang nasawi sa pagkalunod na si Rodrigo Salarzon Garcia, 68, taga-Barangay Cabatacan, Pudtol, Apayao, na natagpuan sa baybayin nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, bandang 6:00 ng umaga nang magtungo sa bukid si Garcia, kasama ang kapwa magsasakang si Nolie Camangeg, upang bisitahin ang kani-kanilang kalabaw.
Gayunman, habang tinatawid ang bahang kalsada sa pagitan ng tulay sa Bgy. Cabatacan at Bgy. San Mariano ay natangay ng malakas na agos ng baha ang dalawa, bagamat kaagad na nakalangoy si Camangeg patungo sa tulay.
Natangay naman ng baha si Garcia, at hindi kaagad natagpuan.
Bandang 11:35 ng umaga nitong Biyernes nang matagpuan si Garcia sa baybayin sa hangganan ng mga barangay ng Cabatacan at San Mariano sa Pudtol.
Ayon sa Cordillera Regional Disaster Risk Reduction na dManagement Council (RDRRMC), may kabuuang 35 pamilya, o 132 katao sa Apayao, ang lumikas dahil sa bagyong Odette.
Bagamat nakalabas na ng PAR, napanatili ng bagyo ang lakas nito, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astromomical Servives Administration (PAGASA).
Sinabi kahapon ng PAGASA na huling namataan ang bagyo sa West Philippine Sea, sa layong 315 kilometro sa kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte.
Sa taya ng PAGASA, ang mata ng bagyo ay nasa layong 520 kilometro, o nasa labas na ng PAR, ngayong Linggo.