Ni FRANCIS T. WAKEFIELD

Taliwas sa paniniwala ng nakararami, hindi inosente ang Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos na nasawi sa illegal drug operation sa Caloocan City, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police Director Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa isang panayam sa “The Source” ng CNN nitong Biyernes, sinabi ni Dela Rosa na kahit hindi niya binabalewala ang paraan ng pagpatay ng mga operatiba ng Caloocan City Police sa binatilyo, darating ang oras na lalabas ang katotohanan.

“Hindi natin kino-condone ‘yon. Nakikita nga natin, eh bakit namatay ‘yong bata but sana there will come a time na lalabas talaga ‘yung the real story about that, dapat lalabas,” sabi ni Dela Rosa.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Iginiit ni Dela Rosa na mayroong kuwento sa likod ng insidente. Nilinaw din niya na hindi niya pinapanigan ang mga pulis.

“In due time malalaman ninyo. May storya iyan,” ani Dela Rosa.

“Hindi naman (pinapanigan ang mga pulis). Iyong pagpatay is mali talaga. Pero kapag sinasabi mo na.... Pardon me doon sa parents at sa namatay na bata hindi ba at kapag sinabi mo na totally innocent yun, I don’t buy that story dahil meron akong alam na talaga,” dagdag niya.

Sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO), nagsampa ng kasong kriminal ang mga magulang ni Kian, sina Saldy at Lorenza, para sa pagpatay at pagpapahirap sa kanilang anak noong Agosto 25.

Ilan sa mga respondents sa pagpatay kay Kian ay sina dating Caloocan City Police Community Precinct 7 commander Chief Inspector Amor Cerillo, PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz, at PO1 Jeremias Pereda.

Bukod sa kanila, 12 pang Caloocan pulis na kabilang sa police operation na ikinamatay ni Delos Santos ang isinama sa kasong kriminal para sa pagpatay at pagpapahirap.

Kinilala ang mga ito na sina Police Officers 2 (PO2) Arnel Canezares, Diony Corpuz, at Fernan Cano; at Police Officers 1 (PO1) Reynaldo Dan Blanco Jr., Silverio Garcia Jr., Ronald Herrera, Myrldon Yagi, Christian Joy Aguilar, Ceferino Paculan, Jossillini Lorenzo, Erwin Romeroso, at Ferdinand Claro

“The claim of the herein complainants that their son, Kian Delos Santos has been unjustifiably killed is bolstered by the findings of the PNP-IAS that there is evidence to show that respondents PO3 Arnel G. Oares, PO1 Jeremias Pereda and PO1 Jerwin Cruz in unlawfully and unjustifiably using their firearms to shoot Kian Delos Santos with several shots absent no apparent, direct and clear threats to their lives is a clear transgression of the established rules and principles of the PNP Operational Procedures in conducting police operation,” nakasaad sa pleading na inihain ng PAO sa DoJ.