Ni: Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, para sa isang sikat na komedyante at host ng isang noontime show, gawa-gawa lamang ng tao ang depression. Dagdag pa niya, para lamang sa mayayaman ang depression, dahil sa mga mahihirap, kawalan lamang ng pag-asa ang tawag sa kanilang nararanasan. Dahil siguro artista, nasanay ang komedyanteng inaarte lamang ang isang tauhan o karakter sa isang palabas.
Umani ng batikos ang pagbibirong iyon ng komedyante. Kinabukasan, humingi ito ng paumanhin at inamin ang pagkukulang sa kanyang pang-unawa tungkol sa depression.
Kung may positibong naidulot ang bagay na ito, ito ay ang pagkakataong napag-usapan ang medikal na kalagayang nakaaapekto sa maraming Pilipino, at akma naman ito dahil ngayon ay ang National Mental Health Week. Tiyak na hindi lamang nag-iisa ang komendyante sa mga taong ang tingin sa depression ay gawa-gawa lamang. Hindi rin nakatutulong ang bihirang pagtalakay sa mental health o kalusugan ng pag-iisip ng mga tao dahil sa negatibong pagpapakahulugan sa anumang sakit na may kinalaman sa pag-iisip.
Maaari ring magkasakit ang ating isip, katulad ng ibang bahagi ng ating katawan, at kabilang nga rito ang pagkakaroon ng depression. Ayon sa World Health Organization (WHO), isang uri ng mental disorder ang depression kung saan nakararanas ang isang tao ng matinding kalungkutan at kawalan ng interes sa mga bagay na dating nakapagpapasaya sa kanya. Sa tantsa ng WHO, mahigit sa 300 milyong katao sa buong mundo ang nakararanas ng depression, at mas maraming babae ang mayroon nito. Medikal na kundisyon ang depression at samakatuwid, kailangan ng medikal na atensiyon ng sinumang mayroon nito upang mabigyan ng angkop na lunas. Kung pababayaang lumala ang depression, maaari itong magtulak sa isang tao na mag-suicide. Ganito po kaseryoso ang depression.
Isa lamang ang depression sa mga nakaapekto sa ating mental health o sa kalusugan ng ating isip. Maging si Pope Francis ay kinilala ang kahalagahan ng paghahanap ng ekspertong opinyon upang tiyaking maayos ang ating mental health. Inamin niyang minsan na siyang kumonsulta sa isang psychoanalyst, at sumailalim sa mga therapy sessions noong panahong pakiramdam niyang kailangang mabigyan ng kalinawan ang mga nagaganap sa kanyang buhay.
Para sa kay Pope Francis, ang medikal na lunas para sa mga taong nakararanas ng depressionat iba pang kondisyon sa pag-iisip ay kinakailangang sabayan ng espiritwal na pagkalinga o “spiritual care”. Aniya, mahalagang aspeto ang spiritual care ng kabuuang pangangalaga sa sarili o “integral care.”Kapag sinabi nating “integral care”, natutugunan ang pangangailangan ng tao sa mga iba’t ibang aspeto ng kanyang sarili at buhay—sikolohikal man, sa kanyang pakikipag-ugnayan kanyang kapwa, at sa paghahanap niya ng makabuluhan at makahulugang buhay.
Tinutugunan ng ating pamahalaan ang isyu ng mental health sa iba’t ibang paraan, at may panukalang batas sa kasalukuyan na naglalayong gawing bahagi ng ating public health system ang mga programang tutugon sa mga pangangailangang medikal na may kinalaman sa mental health. Aprubado na ang panukalang ito sa Senado at nakasalang naman na sa Mababang Kapulungan. Alam nating marami pang kailangang pagbutihin sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa ating bansa, at mabuting binibigyang pansin na ang mental health.
Tayo naman ay may maiambag din sa pagpapalawak ng pag-unawa tungkol sa kahalagahan ng mental health, partikular na ang depression. Halimbawa, huwag na nating palaganapin pa ang negatibong pagtingin sa mga taong nakararanas ng depression. Huwag natin silang ikahiya, kutyain, katakutan, o sabihang umaaarte lamang. Hindi po biro ang depression.
Seryosong isyung pangkalusugan ito, kaya kailangang maging seryoso rin ang lahat sa pag-unawa rito at pagtulong sa mga taong nakararanas nito.
Sumainyo ang katotohanan.