Ni: Bella Gamotea

Kanselado hanggang kahapon ang ilang domestic at international flights sa Iloilo International Airport dahil sa pansamantalang pagsasara ng runway ng paliparan matapos na nag-overshoot ang isang eroplano ng Cebu Pacific, nitong Biyernes ng gabi.

Ayon sa pamunuan ng Cebu Pacific, ligtas ang lahat ng 180 pasahero at anim na crew member ng Flight 5J 461 na galing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nabigong tumigil sa pag-landing sa runway hanggang sumadsad sa madamong bahagi ng Iloilo International Airport, dakong 11:15 ng gabi.

Pinangunahan ng emergency personnel at cabin crew ang emergency evacuation sa lahat ng pasahero, katuwang ang mga tauhan ng paliparan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ang runway at kaagad na kinansela ng Cebu Pacific ang 33 domestic at international flights nito.

Kabilang sa mga apektadong flights ng airline company ang Manila to Iloilo nitong Biyernes, habang kanselado naman kahapon, Oktubre 14, ang pitong flights na Manila-Iloilo at pabalik.

Kinansela rin ang dalawang flights na Iloilo-Davao at pabalik, dalawang flights na Iloilo-Singapore-Iloilo, dalawang flights na Cebu-Iloilo-Cebu, limang iba pang flights na Manila-Iloilo at pabalik, dalawang flights na Iloilo-General Santos-Iloilo, at isang biyaheng Iloilo-Cebu.

Hanggang ngayong Linggo, Oktubre 15, ay kanselado pa rin ang pitong flights ng Cebu Pacific na may rutang Manila-Iloilo at pabalik, dalawang flights na Davao-Iloilo-Davao, at dalawang biyaheng Cebu-Iloilo-Cebu.

Pinapayuhan ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang airline company para sa rebooking sa loob ng 30 araw para sa refund ng ticket.