Ni JIMI ESCALA
NAKASALUBONG namin nang hindi sinasadya si Donita Rose. Hindi pa rin nagbabago ang aktres, siya pa ang unang bumati sa amin at nangumusta.
Pagkatapos ng kumustahan, itinanong agad namin sa kanya ang pagbabalik showbiz niya sa pamamagitan ng pelikulang Seven Sundays na pinipilahan ngayon sa mga sinehan.
Kuwento ni Donita, hindi pa raw dapat siya lumabas sa naturang pelikula. Katwiran ng aktres, kailangan pa raw niyang magbawas ng timbang.
Pero nang malaman niyang papel ng buntis na asawa ni Aga Muhlach ang gagampanan niya at naipaliwanag sa kanya ang magiging takbo ng istorya, agad na niyang tinanggap ang offer.
Ngayong palabas na ang pelikula at marami ngang ang nagagandahan, lalong na-inspire si Donita na muling mag-concentrate sa showbiz. Pero kailangan na raw talaga niyang pagbuhusan nang husto ang pagpapayat niya.
Marami raw siyang gustong gampanang mga papel sa pelikula man o sa telebisyon, pero magagawa lang niya ang mga iyon kung papayat siya.
Napatawang dagdag pa ni Donita, bukod sa roles na gusto niyang gampanan ay makatagpo ng bagong magmamahal ang isa pa sa dahilan kaya kailangan niyang magpapayat nang husto, huh!
“Well, I am ready to fall in love again,” sey ni Donita na umaming nakapag-move on na nang husto sa hiwalayan nila ng dating asawang si Eric Villarama.
Ilang taon na ring hiwalay ang isa sa mga produkto ng dating That’s Entertainment sa asawang negosyante. Sa totoo lang naman, maraming taga-showbiz ang nagkandarapa noon kay Donita pero mas pinili niya si Eric Villarama at iniwanan niya ang showbiz para sumama sa asawa sa abroad.
Nagkaroon sila ng isang anak na lalaki pero nagkahiwalay nga kaya umuwi sa Pilipinas si Donita kasama ang anak.
Inamin naman ni Donita na ang matagumpay na career niya sa showbiz ang nagbigay daw ng insecurity sa dating asawa.
Kumbaga, hindi raw natanggap ng asawa na kaya niyang buhayin ang sarili niya na naging isyu ng hiwalayan nila.