Ni: Gilbert Espeña

NABIGO si WBO Asia Pacific bantamweight champion Jetro Pabustan na maipagtanggol ang korona nang matalo via 10th round technical knockout (TKO) kay Hiroaki Teshigawara ng Japan kamakalawa sa Korakeun Hall sa Tokyo, Japan.

Nakipagsabayan si Pabustan kay Teshigawara sa loob ng siyam na rounds, ngunit napuruhan siya ng matinding kanan ng Hapones sa 10th round kaya itinigil ng Japanese referee ang sagupaan upang ibigay sa kababayan nito ang WBO regional title.

Naglaho ang pangarap ni Pabustan, nakalistang No. 10 sa WBO rankings, na hamunin ang kasalukuyang kampeon na si Zolani Tete ng South Africa na natamo ang titulo nang talunin sa puntos ang Pilipinong si Arthur Villanueva kamakailan sa United Kingdom.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Napaganda ni Teshigawara ang kanyang kartada sa 15-2-2 na may 9 panalo sa knockouts at tiyak na papasok siya sa WBO bantamweight rankings at magkakaroon ng pagkakataon kay Tete.

Bumagsak naman ang rekord ni Pabustan sa 29-5-6 at muling magkakampanya para makapasok sa world rankings matapos matalo sa kanyang unang world title fight kay Panya Uthok na tumalo sa kanya sa 7th round technical decision para sa WBO bantamweight title noong Pabrero 12, 2016 sa Bangkok, Thailand.