Ni: Genalyn D. Kabiling
Inilingan ng Pilipinas ang multi-million dollar assistance mula sa United Kingdom, ipinahayag ni Pangulong Duterte nitong Huwebes.
Siniguro ng Pangulo na kayang mabuhay ng bansa nang hindi tumatanggap ng “$18-20 million” tulong mula sa UK.
“The latest word from Sonny and sa Great Britain, 18 million dollars, 20. Sabi ko kay Sonny Dominguez, ’Wag mong tanggapin. Mabubuhay rin tayo,” pahayag ng Pangulo nang pasinayaan ang bagong gawang Malacañang press briefing room.
“Anyway, I control the foreign affairs of this government. So ‘yung mga diyan mga noisy na ‘The Philippine will go hungry’, in your ignorance, you are not the one who’d formulate the foreign policy of this country,” sabi niya.
Sinabi ni Duterte na ang pamamahala sa foreign affairs ng bansa ay “solely the privilege of the Executive department,” hindi ng Kongreso at ng Korte Suprema.
“The conduct of external affairs of this country is not in Congress. It’s not in the Supreme Court. It is the presidency in the great separations of powers,” sabi ng Pangulo. “‘Wag mo nang tanggapin ‘yan sila.”
Una nang tinaggihan ng gobyerno ang ayuda ng ibang bansa na may kalakip na kondisyon na maaaring makasira sa bansa.
“You are interfering in our affairs kasi mahirap lang kami,” sabi ni Duterte. “Magbigay kayo ng pera then you start to orchestrate what things should be done and which should not happen in my country.”
Sa nasabi ring talumpati, kinuwestiyon ng Pangulo ang kritisismo ng mga European kaugnay ng mga namamatay sa droga sa bansa, gayong sila ay sangkot sa “massacre” sa milyun-milyong katao noong World War I.