Ni: Francis T. Wakefield

Kinumpirma ng militar ang pagsuko kahapon ng tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Sulu, bitbit ang matataas na kalibre ng mga armas.

Kinilala ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP)-Joint Task Force Sulu, ang mga sumukong bandido na sina Ajimad Musnali, Nanah Amdad Tunggal, at Hasiri Sabirin.

Ayon kay Sobejana, sumuko ang tatlo sa JTF Sulu, sa Barangay Bulibangao sa Tongkil, Sulu, bandang 8:30 ng umaga kahapon.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Isinuko rin ng mga terorista ang kanilang matataas na kalibre ng armas, kabilang ang tatlong caliber .30 M1 Springfield rifle.

Sinabi ni Sobejana na sasailalim ang tatlo sa custodial debriefing sa Camp Kuta Heneral Teodolfo Bautista sa Busbus, Jolo, Sulu.

Sa kanyang report, sinabi ni Sobejana na kabilang sa mga dahilan sa pagsuko ng tatlong bandido ang kawalan nila ng pinuno makaraang mapatay ang sub-leader na si Alhabsy Misaya, kawalan ng pondo, pagkakawatak-watak, kapaguran sa pagpapalipat-lipat upang makaiwas sa opensiba ng militar, at paglalaho ng suporta sa kanila ng mga komunidad.