MATATAMBAL sa unang pagkakataon sina Patrick Garcia at Erich Gonzales bilang magkasintahang magpapatunay na hindi nakakalimot ang puso ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya na hinirang kamakailan bilang Best Drama Anthology sa ALTA Media Icon Awards.
Para makalimot sa hinaing ng puso, napiling sumali ni Mae (Erich) sa isang hiking team. Nakilala niya si Pio (Patrick), isang makulit at palabirong lalaking hindi niya inasahang bubuo sa kanyang wasak na puso.
Naging masaya ang takbo ng kanilang relasyon hanggang sa mabuntis si Mae. Takot man si Mae sa nangyari, hindi siya pinabayaan ni Pio at sa halip ay inalok pa ng kasal. Ngunit isang araw ay biglang isinugod si Pio sa ospital nang biglaang mag-seizure. Napag-alaman na mayroon pala siyang viral encephalitis, isang sakit sa utak na apektado ang memorya.
Ano ang gagawin ni Mae kapag unti-unti nang nilamon ng karamdaman ni Pio ang kanyang alaala? Anong kinabukasan ang naghihintay sa kanila lalo pa’t nagdadalantao siya at nakatakda na ang kanilang pag-iisang dibdib?
Makakasama nina Erich at Patrick sa upcoming episode sina Mickey Ferriols, Glenda Garcia, Alvin Anson, Simon Ibarra, Joshua Zamora, at Lemuel Pelayo mula sa panulat ni Mary Rose Colindres at sa direksiyon ni Mae Cruz-Alviar.