Ni: Bella Gamotea

Bilang paghahanda at pagtiyak sa seguridad sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Nobyembre, muling magsasagawa ng convoy dry-run sa iba’t ibang parte ng Metro Manila bukas, Oktubre 15, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, sisimulan ang convoy dry-run sa Clark International Airport sa Pampanga patungong Metro Manila, sa ganap na 6:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga.

Pinaalalahanan ng MMDA ang mga motorista na asahan ang mas masikip na trapiko sa mga apektadong lugar, at makabubuting gumamit ng mga alternatibong ruta papunta sa kani-kanilang destinasyon.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ayon sa ASEAN Security Task Force, unang daraanan ng convoy ang kahabaan ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), patungong North Luzon Expressway (NLEX), diretso sa EDSA.

Pagsapit ng 6:00 ng umaga, aalis ang convoy sa Manila Hotel sa Maynila at babagtasin ang South Luzon Express (SLEX), Skyway, Buendia Extension, Diokno Boulevard, at Roxas Boulevard.

Makalipas ang 30 minuto, ang ikalawang convoy naman ang didiretso sa Bonifacio Global City sa Taguig City at babagtasin ang McKinley Street at 5th hanggang sa 30th Street sa lungsod.

Agad itong susundan ng ikatlong convoy na tatakbo patungong The Peninsula Manila sa Makati City, at dadaan sa Ayala Avenue at Makati Avenue kung saan sandaling hihimpil ang mga ito, bago magtungo sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Inaasahang aabot sa isa at kalahating oras ang magugugol ng convoys upang makarating sa mga hotel sa Metro Manila kung manggagaling sa Clark, Pampanga habang karagdagang 20 hanggang 30 minuto naman patungo sa PICC mula sa mga hotel.