Ni: Clemen Bautista
SA iniibig nating Pilipinas at maging sa mga bansang Kristiyanong Katoliko sa buong mundo, ipinagdiwang kahapon, Oktubre 13, ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima. Tampok sa pagdiriwang ang mga misa sa mga simbahan sa parokya na sinundan ng prusisyon ng imahen ng Mahal na Birhen ng Fatima. Kasama sa prusisyon ang mga parishioner at ang mga may panata at debosyon sa Mahal na Birhen. Nagkaroon din ng pagdiriwang sa National Shrine ng Mahal na Birhen ng Fatima sa Karuhatan, Valenzuela City. Sa Angono, Rizal, naging bahagi ng pagdiriwang ang dawn procession ng imahen ng Mahal na Birhen ng Fatima na pinangunahan ng mga Legion of Mary. Sinudan ng misa sa Saint Clement parish, ganap na 6:00 ng umaga.
Ang pagdiriwang ng kapisatahan ng Mahal na Birhen ng Fatima ay kaugnay ng himala at ng huling apparition o pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima, Portugal noong Oktubre 13, 1917. Ang Mahal na Birhen ay nagpakita tuwing ika-13 araw ng buwan noong 1917. Ang unang pagpapakita ay naganap noong Mayo 13, 1917 na sinundan noong Hunyo 13, 1917, at ang ikatlong pagpapakita ay noong Hulyo 13, 1917. Nagpakita ang Mahal na Birhen sa ikaapat na pagkakataon noong Agosto 13, 1917.
Unang nagpakita ang Mahal na Birhen sa tatlong bata na magpipinsan na sina Lucia, Francisco, at Jacinta. Nagpakita ang Mahal na Birhen sa ibabaw ng isang punongkahoy sa Cova da Iria, Fatima, Portugal.
Sa mga sumunod na pagpapakita ng Mahal na Birhen, ipinahayag niya ang kanyang layunin; ang panawagan niya ay magdasal araw-araw ng Santo Rosaryo at gumawa ng mga pagpapakasakit sa ikapagbabalik-loob ng mga makasalanan at sa kapayapaan ng daigdig. Ipinakita ng Mahal na Birhen sa tatlong bata ang dami ng mga kaluluwang napapahamak sa impiyerno dahil sa pagkakasala ng mga tao.
Ang huling pagpapakita ng Mahal na Birhen noong Oktubre 13, 1917 ay nasaksihan ng 70,000 tao sa Fatima, Portugal.
Huminto ang malakas na ulan. Ang araw ay nag-anyong parang apoy na umiikot at mahuhulog sa lupa. Nasindak sa takot ang mga tao. Hindi nila namalayan ang pakikipag-usap ng Mahal na Birhen kina Lucia, Francisco, at Jacinta. Ganito ang sinabi at tagubilin ng Mahal na Birhen: “Ako ang Birhen ng Rosaryo. Ako’y naparito upang manawagan sa mga tao at hilingin sa kanila na sana’y itigil na ang pagkakasala sa Diyos na lubhang napopoot sa kanila. Gumawa ng pagpapaksakit at magdasal ng Santo Rosaryo araw-araw upang manumbalik ang kapayapaan. Ipinangako pa ng Mahal na Birhen ang kaligtasan ng mga magdedebosyon sa kanyang Kalinis-linisang puso. Kung hindi manunumbalik sa Diyos ang mga tao ay magkakaroon ng digmaan.
Sinabi rin at itinuro ng Mahal na Birhen sa tatlong bata ang panalangin sa katapusan ng bawat Misteryo ng Rosaryo: “O Hesus ko, patawarin mo ang aming sala, iligtas mo kami sa mga apoy ng impiyerno pangunahan ang mga kaluluwa sa langit, lalo na yaong walang nakakaalala”.
Sa huling pagpapakita ng Mahal na Birhen ay nagsiluhod, umiyak at nagdasal, himingi ng kapatawaran ang mga tao. Nang tumayo ang mga tao, ang kanilang mga basa at maputik na damit ay naging malinis at natuyo. Marami sa mga may sakit at mga lumpo ay himalang gumaling at nakalakad.
Sa Pilipinas, ang National Shrine ng Mahal na Birhen ng Fatima ay nakatayo bilang simbolo ng tugon ng Simbahan sa Pilipinas at pangako sa mensahe ng Mahal na Birhen ng Fatima.
Ang imahen ng Mahal na Birhen ng Fatima ay dinala ng mga pari, madre at relihiyoso nang magtungo sa EDSA nang maganap ang People Power Revolution na nagpabagsak sa rehimeng Marcos. Maraming naniniwala na ang Birhen ng Fatima ang nag nag-udyok sa puso ng mga sundalo na huwag sundin ang utos ni Marcos na barilin at sagasaan ng tangke ang mga taong nagtungo sa EDSA. Naniniwala rin ang marami nating kababayan na isang himala ang ginawa ng Mahal na Birhen ng Fatima sa EDSA kaya nagtagumpay ang Himagsikan na ang sandata ng mga Pilipino ay dasal, imahen ng Mahal na Birhen, pagkakaisa at mga bulaklak na itinapat sa bibig ng mga baril ng mga sundalo.