Ni: Joseph Jubelag

ISULAN, Sultan Kudarat – Nagkasa kahapon ng saturation drive ang pulisya laban sa mga ilegal na baril sa bayan ng Palimbang sa Sultan Kudarat, na nagresulta sa pagkakakumpiska sa matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog mula sa ilang sinalakay na bahay, kabilang ang kay Mayor Abubakar Maulana.

Ayon kay Sultan Kudarat Police Provincial Office director Senior Supt. Raul Supiter, armado ng search warrant ang mga pulis nang sumalakay sa ilang bahay, kabilang na ang bahay ni Maulana sa Barangay Kolong-kolong na nasamsaman ng isang granada.

Gayunman, sinabi ni Senior Supt. Supiter na nagawang makatakas ni Maulana bago pa dumating ang raiding team sa lugar, na kilalang balwarte ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nauna rito, sinabi ni Senior Supt. Supiter na nakatanggap sila ng impormasyon na nag-iingat ang alkalde ng ilang hindi lisensiyadong baril sa bahay nito, kaya nag-apply ng search warrant ang pulisya.

Sinalakay din ng mga pulis ang bahay ni Abdulbayan Usman, barangay chairman, at nakumpiska ang ilang matataas na kalibre ng baril, kabilang ang M-79, M-14 at M-16 rifle at ilang bala.

Gaya ni Maulana, nakatakas din si Usman.

Bigo namang makasamsam ng anumang baril ang mga pulis mula sa bahay ni Alonto Sabiwang sa Bgy. Butril.

Gayunman, naaresto ng mga pulis si Redin Salipin makaraang makuhanan ng walang lisensiyang .45 caliber pistol sa saturation drive.

Maghahain ang pulisya ng kasong illegal possession of firearms laban kina Maulana, Usman, at Salipin.