SA nakalipas na mga araw ay may kani-kaniyang opinyon ang mga opisyal at iba pang nagkokomento tungkol sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpakita ng pagbulusok sa satisfaction at trust ratings ni Pangulong Duterte.
Gaya ng inaasahan, binigyang-diin ng mga kritiko ng administrasyon ang negatibong bahagi ng resulta ng survey, habang minaliit naman ng mga loyalista ang pagbabang ito, iginiit ang positibong anggulo, at tinayang makakabawi rin ang Presidente sa susunod na survey. Ang katotohanan, may kani-kaniyang anggulo talaga para sa mga resulta ng survey.
Sa mga survey sa pagitan ng Hunyo at Setyembre, may malaking 18 puntos na pagbaba sa net satisfaction rating ng Pangulo — mula sa 66 ay naging 48 porsiyento. Bumaba naman ng 15 puntos — mula sa 75 ay naging 60 porsiyento — ang kanyang trust rating. Gayunman, ang huling satisfaction rating ay ikinokonsidera pa ring “good” ng SWS at “very good” naman ang trust rating.
Giit naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, karaniwan na sa lahat ng presidente ang pagbaba ng ratings makalipas ang isang taon sa puwesto. Natural lang sa mamamayan na pagbigyan sa simula ang bagong pangulo na nasa “honeymoon period”. Marahil tapos na nga ang honeymoon period, “but the love is still here,” sabi ni Abella.
Gayunman, binigyang-diin ng panig ng oposisyon na ang pagbulusok ng ratings, bagamat inaasahan sa mga panahong ito, ay mas mabilis kaysa karaniwang pagbaba kumpara sa ibang presidente. Naitala ang pagbulusok ng satisfaction at trust ratings sa lahat ng sektor, na ang pinakamalaking pagkadismaya — sa pagdausdos na 32 puntos—ay sa Class E, o ang pinakamahihirap sa Pilipinas at matagal nang itinuturing na mass base ni Pangulong Duterte.
Naniniwala ang ilan na dahil ito sa paniniwalang karamihan sa naapektuhan ng malawakang kampanya kontra ilegal na droga, na ipinatupad ng Philippine National Police (PNP), ay mahihirap. Nagpalabas ng memorandum nitong Oktubre 10 si Pangulong Duterte na nagsasaad na ang lahat ng anti-drug operation ay pangangasiwaan na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na aayudahan naman ng PNP.
Mistulang tumutok ang unang taon ng administrasyon sa kampanya kontra droga. Tunay na isang napakalaking problema nito na nangangailangan ng buong puwersa ng pagpupursige ng gobyerno upang tuluyan na itong masugpo alang-alang sa kinabukasan ng kabataan ng bansa. Subalit maraming iba pang problema ang nangangailangan ng atensiyon ng pamahalaan, partikular na ang nilulumot nang suliranin sa kahirapan.
Ang pagdausdos ng ratings ay maaaring may kinalaman din sa pagkabigo ng maraming mahihirap sa kanilang inasahan na magiging maginhawa na ang kanilang mga buhay sa pagkakaroon ng maraming trabaho, sagana at abot-kayang pagkain sa hapagkainan, at pinag-ibayong serbisyo ng gobyerno, gaya ng maayos na transportasyon. Kaya naman inaantabayanan na ang “Build, Build, Build” infrastructure program para sa malawakang paggastos ng gobyerno, na posibleng magpasigla sa ating pambansang ekonomiya sa paraang mararamdaman maging ng mahihirap.
Ang kampanya kontra droga, laban sa kurapsiyon, para sa mas nakapagsasariling polisiyang panlabas, at para sa mas malapit na ugnayan ng Pilipinas sa mga kalapit nating bansa ay pawang mahalaga. Ngunit dapat nang tutukan ng gobyerno ang matagal nang pinakahihintay na mga reporma at programa na magkakaroon ng direktang epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, partikular ng mahihirap. Ito marahil ang nais iparating ng mamamayan sa pamahalaan kung pagbabatayan ang resulta ng huling SWS survey.