Ni REGGEE BONOAN
INAMIN ni Alessandra de Rossi na siya ang namili sa leading man niya sa pelikulang 12 at nahirapan sila ni Direk Dondon Santos sa paghahanap.
“Nu’ng napagod na kasi kami ni Direk Dondon na maghanap ng leading man, sabi niya, ‘Gusto mo magpa-audition na tayo?
O mag-post na lang ako sa Facebook?
“Sabi ko, ‘Game, kahit baguhan, kahit turuan natin kung paano siya gawin kaysa kumuha tayo ng marunong na, hindi mo na ma-bend kasi galit na galit sa sarili niya kaya iyon na ang proseso niya’. So parang nag-message siya sa Facebook, ang daming sumagot, at mga artista talaga, sabi ko, ‘ayaw ko ‘yan!’ tapos tinag siya (Ivan) ni Bianca Lapus. ‘Tapos pinakita sa akin ang name niya ‘tapos ginoogle ko ‘tapos may isang eksena sa YouTube na naglalakad lang siya, parang umiiyak, sabi ko, ‘I found my actor.’ Ito na talaga siya. ‘Tapos nu’ng mineet namin siya parang perfect naman, so hayun hindi naman nagkamali at all.
“Umuwi ako ng bahay na pagod pero masaya ako kasi parang tama ‘yung pinili kong artista, may taste talaga ako, ha-ha-ha.”
Nagpasalamat si Ivan sa leading lady niya na ipinaglaban siya sa 12.
Samantala, naikumpara ang 12 sa blockbuster movie nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo na One More Chance na sumikat ang mga karakter na sina Popoy at Basha. Gaano nga ba kalapit ang kuwento?
“I think kasi itong One More Chance napanood ko after writing this 12, kasi kapag ini-explain ko siya sa mga tao, sinasabi nila, ‘parang One More Chance saka Second Chance’ kaya pinanood ko ang movie.
“Malayo naman kasi itong mga problema na pinag-usapan ng couple rito (12) problemang sa bahay mo lang puwedeng pag-usapan, hindi mo puwedeng sabihin sa ibang tao.
“Ang One More Chance kasi parang may mga kaibigan na nagpapayo, nag-aaway sila in public. Ito, sa loob lang talaga ng bahay kasi iisipin mo na, ‘Uy, nakakahiya baka may makarinig sa ‘yo?’ klaro ni Alessandra.
Anu-ano ba ang mga problemang tinalakay sa pelikula?
“Pera, pagiging insensitive. Naka draft five ako sa pagsusulat ito kasi nu’ng sinulat ko, alam mo naman ang lola n’yo conservative, di ba?
“Wala ‘yung part ng intimacy, kaya sabi nila, ‘Alex, seven years ‘yan, live-in? Kailangang pag-usapan ‘yan, kailangan problema ‘yan. Kaya sabi ko sa mga kaibigan ko, ‘Tulungan n’yo ‘ko,’ sabi ko ano ang mga problema nila tungkol sa mga ganyan kasi wala akong alam. So, ang dami kong in-adjust din para maayos ang loopholes ng script,” say ng dalaga.
Samantala, nilinaw ni Alex na wala siyang kontrata sa ABS-CBN at per project lang siya at ang tsansang babalik ulit siya ng GMA-7.
“Wala akong kontrata sa ABS-CBN, sa ngayon kasi gumagawa ako ng soap with Papa P (Piolo Pascual), kami ni Arci (Muñoz) kaming dalawa ang leading lady. O, taka ka, leading lady?” say niya.
Paano ikukumpara ni Alessandra de Rossi ang ABS-CBN at GMA 7?
“Ang ABS (CBN), tinatanong nila ako kung masaya ako sa role ko at ‘pag hindi ako masaya pinapalitan nila. Sa GMA, papalitan nila ako ‘pag ayaw ko ang role,” diretsong sabi ng aktres.
“Sa ABS kasi nag-a-adjust sila kung ano ‘yung makakapagpaligaya sa akin at papalitan nila ‘yung role. Pero mahal ko ang GMA, ganu’n lang talaga. Magkakaiba talaga. Pagdating sa talent fee, hindi ko na puwedeng sagutin ‘yan, pero off-cam kaya kong sagutin.”
Ano naman ang masasabi ng aktres sa mga artistang naglilipatan ng network?
“Alam n’yo sa totoo lang hindi ko alam kung bakit nauso ‘yang hindi puwedeng magtrabaho kahit saan? Kawawa naman kaming mga artista. Aminin na natin, ang dami-daming artista ‘tapos tatlo lang ang pinapansin ninyo? May pinapakain ang mga ‘yan, hayaan ninyo silang magtrabaho kung saan nila gustong magtrabaho.
“Naranasan ko na ‘yan na walang pambayad ng bahay, maawa kayo sa mga artista kasi wala naman kaming ibang source of income. Hindi kami kagaya ng network na kahit sinong artista ang ilagay namin diyan kumikita, dapat may freedom, ako ‘yun, opinyon ko,” diretsong pahayag ng dalaga.
Binabanggit ba niya ito sa management ng TV networks?
“Oo matapang kasi ako sa ganyan, natatawa lang sila (executives), natutuwa sila na may taong ganu’ ka-honest na hindi natatakot magsabi sa kanila ng ganu’n, pero siyempre knowing me, hindi mo nga alam kung joke o hindi ang sinasabi ko, di ba?” paliwanag ni Alessandra.
Ano ang mahalaga kay Alessandra, box office o award -- na pareho na niyang natikman?
“Dream kong maraming makapanood ng pelikula kasi dream kong makuha nila ‘yung mensahe at maiuwi nila at magamit nila sa buhay nila, pero hanggang doon lang ‘yun.
“Siguro box office kasi hindi ko mabibili, mahal. ‘Yung acting awards puwede mo bilhin,” nakakalokang sabi ng aktres.
Sabi namin na liwanagin niya dahil nakakasagasa siya sa mga konektado sa nagpapaawa wards.
“O, sige, napapakiusapan. Siguro nga, ang award kasi hindi mo alam kung totoo ba o nagkataon lang in the moment na masarap ang food habang nanonood ang mga jury kaya nagandahan sila o nagalingan sila. Lima lang ang nagbibigay no’n, lima lang ‘yung jury, eh.”
At ipinagdiinan ng aktres na huwag ikukumpara ang 12 sa kinita ng Kita Kita dahil, “Magkaiba at hindi na ulit mangyayari sa akin ulit o sa kaninumang artista. Itong 12 maaaring three million lang o maaaring 430 million pala.
Pero ‘yung 320M hindi na mauulit pa.”
Mapapanood na ang 12 sa Nobyembre 8 produced ng Viva Films mula sa direksiyon ni Dondon Santos.