DAVAO CITY –- Handa si reigning Women’s International Boxing Association (WIBA) world super bantamweight title holder Kim “Bonecrusher” Actub para maidepensa ang titulo kay Joan Ambalong sa Philippine female bantamweight championship sa October 15 sa Robinson’s Place sa Iligan City.
Nagsanay si Actub (5W-8L-1D, 4 KOs) ng Iligan ka-spar ang mga lalaking fighter, sa pangangasiwa ng kanyang trainer na si Ronaldo Rosales.
Target niyang mapatumba si Ambalong (6W-6L-1D, 3 KOs) mula sa Zamboanga City.
“Parehas din kasi kaming my lakas. Pero I will try my best,” pahayag ni Actub.
Napagwagihan ni Actub ang WIBA world super bantamweight crown nang patigilin si Ye Byul Lee sa ikatlong round nitong Hunyo 24 sa Suncheon, South Korea.
Galing din sa panalo si Ambalong via unanimous decision kay Aleth Jimenez ng Baliguian nitong August 28.
Ito ang ikalimang pagkakataon na nagkaharap ang dalawa sa kanilang pro career. Sa huling pagtatagpo, nakuha ni Actub ang unanimous decision noong 2004.
“This is really a grudge fight between them,” sambit ni boxing promoter Raffy Jimenez.
Ang laban nina Actub at Ambalong ang co-main event sa “Fist of Fury 2” boxing card ni promoter Raffy Jimenez ng RCJ Promotions. Itinataguyod ito ni Mayor Celso Regencia, Vice Mayor Jemar Vera Cruz at Sangguniang Panglungsod ng Iligan.
Nakataya naman ang Philippine Boxing Federation (PBF) light flyweight title sa duwelo nina Gerald “The Predator” Paclar (10-4-2, 5KOs) ng Iligan at Mike Kinaadman (6-3-2, 4 KOs) ng Lugait, Misamis Oriental.
Tampok din ang laban para sa Mindanao Professional Boxing Association (MinProBA) minimumweight title-fight sa pagitan nina Samuel “Silent Assassin” Salva (10-0, 6 KOs) ng Iligan at kababayan na si Marco John Rementizo (3-0, 2 KOs) ng Valencia City, Bukidnon.