NI: Bella Gamotea
Nasa 3,300 tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ipakakalat sa mga lugar na maaapektuhan sa pagdaraos ng ika-31 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Nobyembre.
Ito ang inihayag kahapon ni MMDA Spokesperson Celine Pialago para sa deployment ng libu-libong MMDA personnel, na binubuo ng traffic enforcers, rescue operation at clearing operation teams, sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila para sa nasabing summit.
Aniya, batay sa natanggap na ulat ng MMDA, tumaas ang bilang ng mga leader at mga delegadong dadalo sa ASEAN Summit sa susunod na buwan, kumpara sa mga pulong nitong Abril.
Tumanggi naman si Pialago na banggitin at idetalye ang schedule ng pagdating sa bansa ng mga leader at delegado, kabilang na si US President Donald Trump, dahil “confidential” aniya ito at para na rin sa seguridad ng mga nasabing bisita.