Ni REGGEE BONOAN
NAKITA at napakinggan namin ang kuwentuhan ng tatlong kilalang filmmakers sa isang coffee shop tungkol sa pelikulang malaki ang kinita at kanya-kanya sila ng opinyon kung bakit naging blockbuster ito.
Filmmaker #1: “Okay lang naman na tayong mga direktor ang susulat at magdidirek ng pelikula na gusto nating gawin, kasi mas alam natin, eh.
Filmmaker #2: “Oo naman, pero okay din kung ang sumulat ng script ay partner mo, so more or less magkakasundo kayo. O kaya matagal mo nang katrabaho kasi puwede kang magbato (ng ibang ideas).”
Filmmaker #3: “Ano naman ang masasabi ninyo na mawawalan na tayo ng trabaho kasi maraming artista na ang gustong nagsusulat at gustong magdirek ng pelikula? The more, the merrier ba dapat?”
Filmmaker 1 at 2: (Duet) “’Yun nga, eh. Hirap na nga makakuha ng trabaho unless may record ka na kumita pelikula mo.
Pero okay din sa part natin kasi kapag hindi naman kumita pelikula nila, sa atin pa rin magtitiwala ang producers.”
Dahil kapag nalugi ang producer, hindi ka na makakaulit.
Nagkakaisa at hangang-hanga ang tatlong direktor kay Direk Cathy Garcia-Molina at sa scriptwriters ng Seven Sundays dahil napakaganda ng pagkakasulat ng kuwento at pagkakadirek lalo na ang pagkakahati-hati ng bawat karakter nina Aga Muhlach, Cristine Reyes, Enrique Gil, Dingdong Dantes at Ronaldo Valdez plus Ketchup Eusebio na mahalaga rin ang papel.
Gustung-gusto naming sumingit sa usapan, Bossing DMB para sabihin na 21 years old lang ang sumulat ng Seven Sundays at first project niya ito after graduation pero pawang big stars na ang bida.
Sa totoo lang, ilang linggo ring matamlay ang mga sinehan dahil hindi masyadong malalakas ang mga pelikulang Pilipino na ipinalabas o palabas pagkatapos ng Kita Kita at simula nitong Oktubre 11, Miyerkules lang namin ulit nakitang mahaba ang mga pila sa mga sinehan dahil sa Seven Sundays.
Anyway, kanya-kanyang paalaman ang tatlong filmmakers na nagkukuwentuhan dahil may meeting daw si #1 at #2 samantalang si #3 ay may editing sa pelikulang ipalalabas daw next week.