Ni: Marivic Awitan

SA ikalimang sunod na taon, pinagharian ng San Beda ang men’s division ng NCAA Season 93 taekwondo tournament na idinaos sa Letran gym sa Intramuros, Manila.

Pinangunahan ni season MVP at heavyweight gold medalist Abram Lance Cuvinar at ginabayan ng coach na si Dexter John Rico, nakatipon ang Red Lions ng kabuuang 91 puntos upang mapanatili ang korona -- ang ika-10 sa overall.

Pumangalawa ang Letran na may natipong 64 puntos at pangatlo ang College of St. Benilde na may 52 puntos.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naging mahigpit naman ang laban sa women’s division sa pagitan ng defending champion St. Benilde at Lyceum of the Philippines University kung saan namayani ang una makaraang makaungos ng apat na puntos sa huli, 76-72.

Nanguna para sa koponan ng dating Olympian at SEA Games gold medalist Roberto Cruz si flyweight Noelyn Rose Campos na tinanghal na season MVP.

Ang titulo ang ikatlong sunod para sa Lady Blazers at panglima nilang overall title sa liga.

Sa juniors division, nakopo naman ng Arellano Braves ang una nilang titulo matapos makatipon ng kabuuang 131 puntos sa ilalim ng paggabay ni coach Carlos Padilla at pamumuno ng nagwaging MVP na si featherweight Dex Ian Chavez.

Pumangalawa ang San Beda na may nalikom na 71 puntos at pangatlo ang San Sebastian College na may 48 puntos.