NASA huling bahagi na ang labanan sa Marawi City, at umaasa si Gen. Eduardo Año, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, na matatapos na ito bago pa man siya magretiro sa militar sa Oktubre 26.
Ang huling atas sa mga military commander, aniya, ay ang tapusin na ang krisis sa Marawi ngayong buwan. “We will finish it because that is the time to finish it,” aniya. “And that is calculated based on projection of being able to rescue the remaining hostages, neutralizing the last terrorist, and minimizing the casualties of troops and civilians.”
Ayon sa kanya, mayroon pang 40 terorista na nakikipagbakbakan laban sa tropa ng gobyerno. Walo hanggang siyam sa mga ito ay mga dayuhan—ito ang mga mandirigma ng Islamic State mula sa Gitnang Silangan na inakalang makapagtatatag sila ng IS regional center sa Mindanao. “These are the ones who are suicidal,” sabi ni General Año. “They are the ones who are commanding the local terrorists.”
Sa nakalipas na mga araw, tatlo pang sundalo ng AFP ang nasawi sa bakbakan, at sa kabuuan ay 158 na ang nalagas sa hanay ng tropa ng gobyerno, habang 774 naman sa panig ng mga terorista.
Ang pagsisikap na mapanatiling kakaunti ang estadistikang ito ng labanan ang pumipigil sa gobyerno sa mabilisang pagdurog sa mga terorista, na pinaniniwalaang kasama ang 33 miyembro ng kani-kanilang pamilya, bukod pa sa 28 bihag.
Nakikipagbakbakan ang mga teroristang ito mula sa mga gusali, na kinabitan nila ng mga bomba bilang booby trap.
Nitong Lunes, nagpadala ang AFP ng helicopter upang magbagsak ng mga surrender feeler sa mga kanlungan ng Maute, kasama ang mga instruksiyon sa mga sibilyang kaanak ng mga terorista at sa mga bihag na pinahihintulutang lisanin ang lugar. Ito marahil ang huling pagpupursigeng pangkapayapaan ng AFP bago ang huling pag-atake nito.
Nasa 143 araw na ang bakbakan sa Marawi simula nang sumiklab ito noong Mayo 23. Magiging 161 araw na ito, o mahigit limang buwan, sa pagtatapos ng Oktubre, ang petsang itinakda ni General Año upang tapusin ng mga field commander ang krisis sa lungsod. Kumpiyansa ang AFP — at kaisa ang buong bansa sa pag-asam na ito — na maisasakatuparan ng militar ang itinakda nitong sariling deadline.