Ni DINDO M. BALARES
OPEN sa posibilidad ng pag-aartista si Julia Gonowon, ang kinatawan ng Caramines Sur na nanalo sa Miss Millennial Phillipines 2017 beauty pageant ng Eat Bulaga. Inamin niya na mahilig siya sa hosting at pag-arte.
Si Julia ang nag-uwi ng kauna-unahang korona ng Miss Millennial Philippines ng Eat Bulaga na isinagawa noong Setyember 30 sa Mall of Asia Arena, Pasay City. Nakatunggali niya ang mahigit 30 iba pang beauties mula sa iba’t ibang probinsiya at siyudad ng bansa.
Twenty-one (21) years old si Julia at fourth year Psychology student ng Perpetual Help Las Pinas.
“Ako ay nagpapasalamt na ako ang unang nanalo ng titulo ng Miss Millennial,” pahayag ng daragang magayon (dalagang maganda). “Hindi ako makapaniwala na ako ang mag-uuwi ng korona. Love and hard work ang naging puhunan ko dito. Hindi ko din masusungkit ang titulo kung hindi dahil sa suporta at pagmamahal ng aking mga kababayan. Para sa kanila ang koronang ito.”
Pangunahing bahagi ng kakaibang pageant ang pagbuo ng tourism campaign para sa kani-kanilang probinsiya at siyudad sa loob ng dalawang buwan.
Ayon kay Julia, hindi naging madali ang kanyang pagsali sa Miss Millennial dahil bukod sa pag-aaral at contest, siya rin ang breadwinner ng kanilang pamilya.
Pero naging challenge sa kanya ang weekly tasks lalo na’t hindi siya tumigil sa pag-aaral kaya umuuwi pa siya tuwing weekend sa Camarines Sur para mag-shoot ng kanyang campaign materials sa kanilang tourist destinations.
“Ang dami kong pinagdaanan sa kumpetisyon. Since July kailangan kong gawin ang mga challenges. Hindi din naging madali ang mag-adjust sa format ng kumpetisyon kasi hindi ito ‘yung typical na pageant. Hindi kasama dito ang magsuot ng heels, dress. Hindi man naging madali, worth it naman ang sakripisyo.”
Inamin ni Julia na sa pamamagitan ng pageants tulad ng Miss Millennial ay nabigyan niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Hindi lamang niya napag-aral ang sarili, natutulungan din niya ang mga magulang niya sa pang araw-araw na gastusin.
“Pageant talaga ang bumuhay sa akin. Nag-stop ako nung college kasi hindi kaya ng parents ko. Sabi ko sa sarili ko na ayoko na hanggang doon na lang ako. Nu’ng una, ayaw ko kasi hindi ako sanay. Pero naisip ko na sumali na lang kesa wala akong diploma. Sa buhay naman ‘pag hindi ka nag-risk, eh, paano mo malalaman?”
Nagpapasalamat si Julia sa Eat Bulaga na nabigyan siya at ang kanyang kapwa millennials ng pagkakataon na maipakita sa mundo ang kanilang galing.
“Napakalaking bagay na nabigyan kami ng chance na ipakita na ang millennials ay hindi ang generation na puro social media lang. Ginagamit din namin itong tool in a good way. I think the most special thing is that we were able to extend a helping hand in promoting our provinces.”
Sa ngayon, gusto munang makapagtapos ng kolehiyo ni Julia at kalaunan ay sumali sa national beauty pageants. Pangarap niyang maging kinatawan ng Pilipinas sa international pageants.
Bukod sa korona, nag-uwi rin si Julia ng Mitsubishi Montero Sport, isang condominium unit mula Bria Homes at P500,000 cash.
Ang iba pang mga nanalo sa Miss Millennials ay sina Miss La Union Carina Carino, first runner-up; Miss Aklan Eleonara Velentina Laorenza, second runner-up; at si Miss Malabon Shiara Joy Dizon, third runner-up.
Si Miss Ilocos Norte Dianne Irish Joy Lacayanga naman ay nahirang na Miss Bayanihan Queen dahil siya ang makatanggap ng pinakamaraming text at online votes. Nag-uwi siya ng P100,000 at isang milyong piso para sa kanyang probinsiya.