Ni: Ric Valmonte
NAG-ISYU ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte na inilalagay na sa kamay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagpapatupad ng kanyang war on drugs. Inalis na niya ito sa kapangyarihan ng Philippine National Police (PNP) at ng National Bureau of Investigation. Kaya, tuloy parin ang anti-drug operation ng administrasyon. Pero, kung magbabago ang anyo ng operasyon, hindi ko ito nakikita sa nasabing kautusan. Ang maliwanag lang ay paimbabaw na paraan ito ng Pangulo sa pag-atras niya sa batikos na tinatamo ng operasyon. Itinago na sa mamamayan ang mga pulis at ang mga ahente na ng PDEA ang ipinalit sa kanila. Eh, hindi naman ang mga pulis ang problema, ang problema ay ang mismong programang ipinairal nila na paiiralin din ng PDEA.
Ang pagkakaiba ng PDEA at ng PNP ay nasa ilalim ng opisina ng Pangulo ang PDEA, samantalang ang PNP ay nasa ilalim ng National Police Commission (NAPOLCOM). Ang kautusan ng Pangulo ay walang sinasabi kung paano gagampanan ng PDEA ang tungkulin nito sa pagpapairal ng war on drugs. Halimbawa, ano ang gagawin nito sa nahuhuli nilang mga sangkot sa droga? Dahil walang direktiba tungkol dito, nanatili iyong dating kautusan ng Pangulo sa mga pulis na kapag nanlaban ang suspect na hinuhuli nila at nanganib ang kanilang buhay, patayin nila ito. Madaling tularan ng mga ahente ng PDEA ang ginawa ng mga pulis na nagbunga ng pagkamatay ng 3,850 drug suspects. Nanlaban umano ang mga ito kaya sila pinatay.
Kaya, ang talagang isyu rito ay ang war on drugs at ang paraan ng pagpapatupad nito. Kapangyarihan ng pulis o ng anumang security agency ang labanan ang kriminalidad at ilegal na droga dahil tungkulin nilang gawing mapayapa at ligtas ang pamayanan. Pero, ang armas na dapat nilang panlaban ay batas. Hindi naaayon sa batas at demokratikong prinsipyo na ang security agent ay law enforcer, prosecutor, judge, at executioner. Eh, sa ganitong paraan pinaiiral ang anti-drug campaign ng administrasyon. Galit ang Pangulo sa due process at karapatang... pantao. Kaya sa war on drugs ng Pangulo, binabalewala ang dignidad ng tao.
Kaya, ang kautusang magbigay ng malaking kaibahan sa nakaraan ay hindi iyong ilipat mo sa ibang kamay ang pagpapairal ng anti-drug operation. Inutil ito. Dapat ipatigil ang pagpatay. Upang maiakma sa batas ang operasyon, ang lahat ng makakapatay ay ihabla at papanagutin sa batas. Sa korte na magpaliwanag ang awtoridad na nakapatay kung dapat maabsuwelto dahil idinepensa ang kanyang sarili o tinupad ang kanyang tungkulin.