Ni FER TABOY
Patay ang apat na katao, habang sugatan ang dalawang iba pa, makaraang magsaksakan ang mga miyembro ng magkaaway na pamilya sa bayan ng Moises Padilla sa Negros Occidental, nitong Miyerkules.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng Moises Padilla Municipal Police, napatay sina James Labiga, Kerwin Royo, Ernesto Royo, kagawad ng Barangay 1; at isang limang taong gulang na lalaki, pawang taga-Moises Padilla.
Ginagamot naman sa ospital ang dalawa pang hindi pinangalanang biktima.
Nabatid ng pulisya mula kay Joan Labiga na bandang 5:30 ng umaga kahapon ng sumugod ang pamilya Royo sa bahay ng mga Labiga sa Bgy. 4, at napatay ni Ernesto ang kapatid niyang si James matapos itong sugurin at pagsasaksakin ng kagawad.
Nabatid na gumanti si Ernesto dahil pinatay umano ni James sa saksak ang pamangkin ng una na si Kerwin.
Napatay din ang paslit makaraang madamay sa pananaksak ni Ernesto kay James.
Naging marahas ang pagsalakay ng pamilya Royo sa mga Labiga dahil nanira pa umano ng appliances, bintana at pinto, at sinasabing pinagpapatay din ang mga alagang hayop ng mga Labiga, gaya ng kambing at mga manok na pinaggigilitan.
Isinalaysay din ni Joan sa pulisya na mistulang hindi pa nakuntento ang mga Royo ay sinira rin umano ng mga ito ang dalawang motorsiklo ng pamilya Labiga.
Kinumpirma naman ni Sally Royo, asawa ni Ernesto, na nagalit kay James ang kanyang mister dahil sa pagpatay umano ng huli sa pamangkin nilang si Kerwin.
Sa ngayon, hindi pa umuuwi sa kanilang bahay ang pamilya Labiga upang makaiwas sa gulo.