Ni: Liezle Basa Iñigo

Dalawang lalaki na pinaghihinalaang miyembro ng robbery group, na nag-o-operate sa Cagayan, ang napatay sa engkuwentro habang isa pa ang nahuli at dalawa naman ang nakatakas, sa bayan ng Solana nitong Miyerkules.

Iniulat kahapon ni Senior Supt. Warren Gaspar A. Tolito, Cagayan Police Provincial Office director, na dakong 8:00 ng gabi nitong Miyerkules nang magkaroon ng holdapan na kinasangkutan ng limang lalaki, sa Barangay Gadu sa Solana.

Unang hinoldap ng grupo si Jayem Caraguian, 19, at puwersahan tinangay ang bago nitong motorsiklo. Inagawan din ng mga suspek ng motorsiklo si Christian James Danao, 28 anyos.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Bago pa makatakas patungong Kalinga ang mga salarin ay naka-enkuwentro ng mga ito ang mga operatiba ng Solano Police.

Napatay ang dalawa sa mga suspek, nakatakas ang dalawa pa, habang nadakip naman ang isa na kinilalang si Richard Culang, 32, taga-Pinukpuk, Kalinga.

Narekober sa mga suspek ang dalawang nakaw na motorsiklo, isang Honda XRM motorcycle, isang .9mm caliber Ingram, at isang .38 caliber revolver na may mga bala.

Batay sa nakalap na impormasyon, sangkot umano ang mga suspek sa serye ng pagnanakaw ng motorsiklo at robbery sa mga bayan ng Solana, Enrile, at Tuao sa Cagayan.