Ni: Mary Ann Santiago
Mahigpit ang utos ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa pamunuan ng Manila Police District (MPD) na tiyaking “foolproof” ang security plans na ikakasa ng siyudad para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Nobyembre.
Ayon kay Estrada, dapat nang isapinal ng MPD ang security measure nito, kabilang ang pagsasanay sa mga pulis na itatalaga sa seguridad ng world leaders at foreign delegates, at tiyaking sa tulong ng iba pang security at law enforcement agencies ay magagarantiya ang kaligtasan ng lahat ng dadalo sa pagpupulong.
Iniulat naman ni MPD director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel na may 2,500 pulis, o kalahati ng puwersa ng MPD, ang itatalaga sa ASEAN meeting.
Bahagi lang, aniya, ito ng 19,000 pulis na bumubuo sa Task Group Manila Shield na mangangalaga sa seguridad ng ASEAN Summit.
Ang pagtitipon ay gaganapin sa Nobyembre 13-15, ngunit ayon kay Coronel, Nobyembre 10, 11 at 12 pa lang ay kasado na ang kanilang security plans at mas lalawakan nila ang security deployment.
Tiniyak rin ni Coronel na nasa “full defensive status” ang buong MPD sa buong panahon ng ASEAN at wala silang natatanggap na anumang security alert laban dito.
Bukod kay US President Donald Trump, inaasahang dadalo rin sa naturang pagtitipon ang mga prime minister ng Japan, Australia, at Canada, at ang mga pinuno ng mga bansang ASEAN, gayundin si United Nations Secretary-General Antonio Guterres.