Ni Bonita L. Ermac

MARAWI CITY – Hindi na matutuloy ang ipinangakong kasal ng isang junior officer na sundalo sa kanyang kasintahan, makaraang magbuwis siya ng buhay nitong Lunes sa pagpapatuloy ng bakbakan sa Marawi City.

Binawian ng buhay si First Lt. Harold Mark Juan, miyembro ng special forces, nang matamaan ng sniper fire mula sa kaaway habang nagbabakbakan, lahad ni Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Group Ranaw.

“Pinangakuan [niya] ang kanyang fiancée na magpapakasal sila after the Marawi siege, hindi na po matutuloy,” ani Brawner.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inihayag ng mga opisyal ng militar na pursigido ang mga kaaway na labanan ang mga tropa ng gobyerno. “However, our soldiers were determined to finish this war despite casualties,” pahayag ni Brawner.

Itinakda ng puwersa ng gobyerno na tapusin ang digmaan sa Oktubre 15 at malaki ang tiwala ng mga itong magwawakas na ang giyera bago ang nasabing petsa, ayon kay Lt. Gen. Carlito Galvez, Western Mindanao Command commander, sa press conference sa kapitolyo nitong Lunes.

“Kayang-kaya natin na matatapos na iyong labanan, kaya na mas maaga pa,” ani Galvez.

Aabot sa 100 pang istruktura ang kailangang mabawi mula sa Maute Group, bukod pa sa isang mosque na nakatayo sa Lake Lanao.