Ni: Celo Lagmay

NANG pinaalalahanan kamakalawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang vendors na huwag nilang gagawing tindahan ang mga sidewalk, nalantad ang kapabayaan ng local government units (LGUs), lalo na ng maraming opisyal ng mga barangay sa Metro Manila at maging sa mga kalunsuran sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Ang nabanggit na mga lingkod ng bayan, sa aking pagkakaalam, ang mistulang nagpapahintulot sa mga tindera—at maging sa iba pang negosyante—na makapaghanapbuhay sa mga sidewalk.

Ang tagubilin ng MMDA ay natitiyak kong nakaangkla sa direktiba ni Pangulong Duterte hinggil sa pag-aalis sa lahat ng sagabal sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila kaugnay ng paglutas ng matinding problema sa trapiko. Katunayan, tahasang iniutos ng Pangulo sa nabanggit na ahensiya ang pagsasampa ng kaukulang asunto laban sa mga opisyal ng barangay na lalabag sa kanyang direktiba.

Totoo, ang LGUs ang nagbibigay ng permiso sa vendors na makapagtayo ng tindahan sa mga sidewalk na nakaukol lamang sa sambayanan; kabilang din ang paglalagay ng mga vulcanizing shop at iba pang establisimiyento na sinasabing may pahintulot din ng naturang mga pinuno na maaaring naniniwala na marapat ding kumita ang ating mga kababayang vendors.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dahil dito, hindi ba maliwanag na ang mga tindera ay pinagkakakitaan din ng nabanggit na mga opisyal?

Hindi ko matiyak kung ang pagtatayo ng mga barangay hall sa ilang sidewalk sa Metro Manila, tulad ng aking napag-alaman kamakailan, ay maituturing ding isang malaking kapabayaan ng nasabing mga opisyal. Kapuna-puna na sa harapan ng ganitong gusali, nakaparada ang mga sasakyan na lalong nagpapasikip sa trapiko. At sa hindi kalayuan, may nakatayong tolda na pinaparadahan ng sasakyan ng ilang barangay chairman at ng kanilang mga kaalyado.

Walang puwang ang ganitong mga eksena sa administrasyon na laging nangangalandakan ng paglikha ng isang matinong gobyerno; walang bahid ng mga katiwalian at pagsasamantala sa kapangyarihan. Marapat na lalong paigtingin ng MMDA ang pagpapagiba sa illegal stores at vulcanizing shops sa mga sidewalk at iba pang pangunahing lansangan. Kabilang na rito ang walang puknat na paghahatak ng mga sasakyang nakaparada sa mga kalye; tuluy-tuloy at hindi ningas-kugon.

Dapat nilang ipadama sa mga barangay official ang pagpapabaya ng mga ito sa tungkulin.

Nalantad din ang kawalan ng puspusang pagsisikap ng LGUs sa paglipol sa talamak na illegal drugs sa kani-kanilang mga nasasakupan. Hanggang ngayon, ‘tila hindi nababawasan at lalo pa yatang dumarami ang mga sugapa sa droga sa kabila ng libu-libong napapatay na pusher umano.

Ang kapabayaan ng barangay officials ang magiging barometro ng kanilang pananatili sa tungkulin mula ngayon hanggang sa pagdaraos ng ipinagpalibang eleksiyon.