NI: Danny J. Estacio

PANUKULAN, Quezon - Dalawampu’t tatlong pasahero ng bangka at apat na tauhan nito ang nailigtas ng Panukulan Emergency Response team (PERT), at Philippine Public Safety Order and Support Group-Special Operations Squad (PPSOGS-SOS) matapos lumubog ang isang pampasaherong bangka sa Barangay Dinahican sa bayan ng Infanta, nitong Martes.

Inihayag ni Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) action officer Dr. Henry M. Buzar na iniulat ng Panukulan MDRRMO na lumubog ang MB Recto na lulan ang 27 katao sa nasabing lugar habang naglalakbay pabalik sa Calasumanga sa Panukulan mula sa Dinahican, Infanta bandang 3:30 ng hapon.

Ayon sa mga ulat, nakipag-ugnayan ang MDRRMO sa Philippine Coast Guard na nakabase sa Infanta at nagsagawa ng rescue operation dahil malapit ang mga ito sa pinaglubugan ng bangka.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Batay sa kanyang imbestigasyon sa mga nakaligtas na pasahero, sinabi ni CPO Christian Mabanlag ng PCG-Infanta na nasira ang water pump at mayroong malaking butas sa ilalim ng bangka na maaaring naging sanhi upang lumubog ang bangka.