Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa Philippine National Police (PNP) at sa iba pang kinauukulang ahensiya na ipaubaya na ang lahat ng anti-drug operations sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ipinarating din ng Pangulo ang nasabing direktiba sa Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC), Philippine Postal Office (PhilPOST), at sa iba pang kinauukulang ahensiya at task force.

Sa memorandum sa pagpapatupad ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act, nakasaad na ang PDEA ang ahensiyang mangunguna sa pagresolba sa problema ng bansa sa droga.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

Sa kanyang memorandum na pirmado nitong Martes, sinabi ni Duterte na layunin nitong maisaayos ang operasyon para sa drug war, upang wastong matukoy ang accountability.

“I hereby direct the NBI, PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Customs, Philippine Postal Office, and all other agencies or any and all ad hoc anti-drug task force, to leave to the PDEA, as sole agency, the conduct of all campaigns and operations against all those who, directly or indirectly, and in whatever manner or capacity, are involved in or connected with, illegal drugs,” saad sa memo ni Duterte.

Kasabay nito, inatasan naman ang PNP na panatilihin ang police visibility laban sa anumang aktibidad na may kinalaman sa ilegal na droga.