PAWANG sangkot sa bentahan ng ilegal na droga ang mahigit 3,000 Pilipinong napatay sa operasyon ng pulisya sa pagpapatupad ng kampanya kontra droga sa bansa, batay sa sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa isang panayam sa kanya ng pandaigdigang news organization na Al Jazeera nitong Biyernes.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos na ang nag-iisang posibleng kaso ng extrajudicial killing (EJK) sa ilalim ng administrasyong Duterte ay ang pagkamatay ng isang mamamahayag sa Catanduanes. Tinugon niya ang iginigiit ng grupong Karapatan na may 78 political EJKs sa bansa, habang 12 environmental activist naman ang napatay, ayon sa Kalikasan People’s Network.
Sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na walang kahit isang kaso ng EJK sa kasalukuyang administrasyon. Ang bilang ng mga naiulat na patayan at hindi teknikal na maituturing na EJK, aniya, batay sa Administrative Order na ipinalabas ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2013.
Sa nasabing Order, maituturing na “extrajudicial killing” kung ang “victim was a member of, or affiliated with, an organization, to include political, environmental, agrarian, labor, or similar causes, or an advocate of above-named causes; or a media practitioner or person apparently mistaken or identified to be so.” At “the person responsible for the killing is a state agent or non-state agent; and the method or circumstances of attack reveal a deliberate intent to kill.”
Kung pagbabatayan ang pakahulugang ito, karamihan sa napatay sa kampanya kontra droga, gaya ng binatilyong si Kian Loyd Delos Santos, ay hindi masasabing biktima ng EJK dahil wala siyang kaugnayan sa pulitika o sa alinmang grupo. At ang mga pulis na sangkot sa kanyang pagpatay ay walang intensiyong pumaslang—napatay nila ang binatilyo dahil, ayon sa kanila, ay nanlaban ito.
“AO has not been repealed and revoked. Thus the definition of EJK remains the same,” ayon kay Abella.
Taliwas sa legal na pakahulugang ito sa Malacañang administrative order ang karaniwan nang ipinakakahulugan sa EJK, bilang pagpatay na hindi naaayon sa proseso ng hudikatura, at batay sa mga umiiral na batas, ay kinabibilangan ng mga panuntunan sa pagdakip at sa iba pang operasyon ng pulisya.
Ayon kina Senators Franklin Drilon, Grace Poe, at Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, ang PNP ay “playing with pure semantics” at nagkukubli sa isang pakahulugan ng dating administrasyon sa EJK. Subalit sa pananaw ng publiko, natuklasan sa survey ng Social Weather Station na 54 na porsiyento ng mga tinanong ay nagsabing hindi sila naniniwala sa sinasabi ng PNP na nanlaban lahat ang mga napatay sa mga operasyon ng pulisya.
Nananatiling pangunahing programa at tagumpay ng administrasyong Duterte ang kampanya kontra droga. Subalit panahon nang suriin ang mga operasyon ng pulisya upang matiyak na nakatutupad ito sa umiiral na prosesong legal. Panahon na rin marahil na itigil na ang paggamit sa isang lumang administrative order upang igiit ang 100 porsiyentong tagumpay ng nasabing kampanya.