Ni: Bella Gamotea
Aaabot sa kabuuang 8,315 ang high-value target (HVT) na naitala sa buong bansa kaugnay ng patuloy at mahigpit na kampanya kontra droga ng Philippine National Police (PNP), ayon sa huling impormasyon mula sa Directorate for Operations kahapon.
Sinabi ni Director Camilo Pancratius Pascua Cascolan, ng PNP Directorate for Operations, na ang nasabing datos ng HVT personalities ay mula Hulyo 1, 2016 hanggang Setyembre 19, 2017.
Aniya, sa naturang bilang ay nasa 1,473 HVT ang naaresto ng pulisya habang 145 ang napatay sa police operations.
Idinugtong ni Cascolan na aabot sa 105 ang naitalang kaso ng homicide at isinasailalim na sa masusing imbestigasyon.
Sumuko naman sa PNP ang 3,489 HVT, habang ang natitirang 3,103 HVT ay itinuring nang patay, sumasailalim sa rehabilitasyon, nasa ibang bansa, pero karamihan ay napaulat na “hindi na matagpuan sa kani-kanilang lugar”.
Sa pinakabago at tunay na bilang sa drug war, umabot na sa 1,308,078 drug personalities ang lumantad at sumuko habang 113,932 naman ang naaresto simula Hulyo 1, 2016 hanggang Setyembre 26, 2017.