Ni: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 n.h. -- UP vs UST
4 n.h. -- La Salle vs FEU
APAT na koponan na galing sa kabiguan sa kanilang huling laban sa pagtatapos ng first round ang nakatakdang magtapat ngayong hapon sa nakatakdang double header sa pagbubukas ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament second round sa Araneta Coliseum.
Unang magtutuos ang dalawang koponang una ring nagharap noong opening, ang University of the Philippines at University of Santo Tomas ganap na 2:00 ng hapon kasunod ang defending champion De La Salle University at Far Eastern University ganap na 4:00 ng hapon.
Tatangkain ng Fighting Maroons na makaahon sa kinasadlakang 3-game losing skid sa pamamagitan ng pagduplika kung hindi man makapagtala ng mas kumbinsidong panalo kumpara sa 74-73 first round win nila kontra UST.
Sa panig naman ng Tigers, sisikapin nitong makamit na ang napakailap na unang panalo sa pamamagitan ng pagbawi sa nasabing masaklap na kabiguan sa kamay ng UP noong opening na dulot ng 3-pointer ni Paul Desiderio.
Matapos mabigong makapagtala ng kahit isang panalo noong first round, umaasa ang Tigers na mahahanapan na nila ng solusyon ang problema kung paanong tatapos ng malakas sa isang laban at malimitahan ang kanilang mga errors.
Sa tampok na laro, nangako naman ang Green Archers na babawi sa natamong masaklap na kabiguan sa kamay ng kanilang archrival Ateneo de Manila sa pagtatapos ng unang round(75-76) sa pagsagupa nilang muli sa Tamaraws.
Magtatangka ang De La Salle na maulit ang 95-90 panalo nila kontra Tamaraws noong opening kahit wala pa noon ang kanilang Cameroonian center na si Ben Mbala.
Ngunit, tiyak namang buo na rin sa loob ng Tamaraws ang gumanti para masimulan ang second round sa pamamagitan ng panalo kaya ‘t magkukumahog din itong bumangon sa natamong, 79-95 na kabiguan sa kamay ng Adamson Falcons sa huli nilang laro noong first round.
Pero malaking dagok para sa FEU ang isang larong suspensiyon na ipinataw sa kanilang forward na si Arvin Tolentino kasunod ng thrown out nito sa laban nila kontra Falcons dahil sa dalawang unsportsmanlike foul.