Ni: Orly L. Barcala

Kritikal ang isang construction worker matapos pagsasaksakin ng kanyang kalugar na nagalit dahil hindi ito tinatagayan sa inuman sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa ospital si Rogie Ampo, 21, ng No. 121 Dulong Herrera Street, Barangay Ibaba ng nasabing lungsod. Siya ay nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tumakas naman ang suspek na si Taweng Del Mundo, nasa hustong gulang, ng Camus St., Bgy. Ibaba, at nahaharap sa kasong frustrated homicide.

Probinsya

11 bangkay, narekober sa ‘search and rescue’ sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3

Ayon kay PO2 Aaron Blanco, kainuman ng biktima ang mga kaibigang sina Jonathan, Albert at ilan pang kalugar sa tapat ng kanyang bahay, dakong 7:30 ng gabi.

Dumaan si Del Mundo at huminto sa harap lamesa ng grupo ni Ampo at tila gustong tumagay, ngunit hindi umano ito pinansin ni Ampo na siyang tanggero sa inuman.

Dahil dito, nagalit si Del Mundo at inundayan ng saksak si Ampo. Nagawa namang makatakbo ng huli, ngunit hinabol siya ng una at nang makorner ay muli siyang pinagsasaksak.

Tumigil lamang si Del Mundo nang awatin ng mga kainuman ni Ampo.