Ni: Celo Lagmay

SA kabila ng matitinding pahayag hinggil sa ganap na paglipol ng mga katiwalian sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, lalo na sa Bureau of Customs (BoC), hindi makatkat sa aking utak ang paboritong pahiwatig ng isang kapatid sa pamamahayag: “Que imposible!” Maliwanag na ito ay pagbibigay-diin sa katotohanan na talagang mahirap sugpuin ang kurapsiyon sa pamahalaan.

Taliwas ito sa paninindigan ni Pangulong Duterte na determinadong puksain ang lahat ng anyo ng alingasngas sa gobyerno. Mataginting ang kanyang pahayag: “Corruption must stop now.” Naniniwala ako na ang kanyang pangako ay nakaangkla sa kanyang tapat na adhikaing lumikha ng isang malinis na gobyerno.

Maliwanag na ito ang layunin ng pagkakalikha ng Pangulo ng makapangyarihang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC). Ito ang susuri sa maluhong pamumuhay at pagkakasangkot sa mga katiwalian ng mga tauhan ng pamahalaan, lalo na ng mga pinuno na pabaya sa kanilang mga tungkulin. Karapatan ng naturang komisyon na parusahan ang mga nagkasala na maaaring masuspinde o matanggal sa serbisyo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi maitatanggi ang masidhing hangarin ng Pangulo na puksain ang mga katiwalian, at iba pang kasamaan sa burukrasya, subalit taliwas ito sa aking paniniwala. Marami nang kahawig ng PACC ang nilikha ng nakalipas na mga administrasyon, ngunit patuloy pa ring nakapamayagpag ang mga lingkod ng bayan na wala nang inatupag kundi yumakap sa iba’t ibang anyo ng katiwalian. Katunayan, ang ilang sektor ng tauhan ng pamahalaan ay laging naghahangad na pabagsakin ang administrasyon, tulad ng mga nahihigingan plano ngayon.

Biglang sumagi sa aking utak ang halos nanggagalaiting pahayag ni dating Pangulong Benigno Aquino sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA): “Saan kayo kumukuha ng tapang ng hiya?” Ang kanyang tinutukoy ay mga tauhan at opisyal ng BoC na hanggang ngayon ay talamak sa kasumpa-sumpang mga katiwalian. Kahawig ito ng tono ng pananaw ni Pangulong Duterte; hindi lamang BoC... ang tinutukoy niyang tanggapan na pinamumugaran ng kurapsiyon kundi maging ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Office of the Ombudsman, Department of Public Works and Highways at iba pa.

Ito marahil ang dahilan ng paglutang ng mga panukala tungkol sa privatization o pagsasapribado ng ilang tanggapan ng gobyerno. Hindi ba ang ganitong estratehiya ay paglilipat lamang ng mga katiwalian sa pribadong sektor mula sa gobyerno?

Hanggang naglipana ang mga gahaman sa salapi at sakim sa kapangyarihan, hindi ako lubos na makapaniwala na masusugpo ang mga katiwalian sa pamahalaan.