NI: Bella Gamotea
Upang bigyang-daan ang pagdaraos ng 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit, walang pasok ang lahat ng estudyante sa Metro Manila sa Nobyembre 16 at 17.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim nang mapagkasunduan ng 17 alkalde na miyembro ng Metro Manila Council, ang policy-making body ng MMDA, na suspendehin ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa National Capital Region (NCR).
“In support of the ASEAN Summit, we approve unanimously the suspension of classes on November 16 (Thursday) and 17 (Friday),” sinabi ni Quezon City Mayor Herbert Bautista, nang dumalo sa pulong ng MMC sa MMDA main office sa Guadalupe, Makati City.
Ayon pa sa alkalde, sakaling matapos sa Nobyembre 14 ang ASEAN Summit ay kailangan pa ring suspindehin ang klase upang maibsan ang trapik dahil asahan ang pamamasyal o gagawing “holiday” ng mga delegado sa Metro Manila, at sa iba pang parte ng bansa.
“Many will go on vacation and will go around Metro Manila,” dugtong ni Bautista.
Nilinaw naman ni Lim na may pasok ang mga kawani at bukas sa publiko ang mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila sa Nobyembre 16 at 17.