SA pagbabalik nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza, ganap na tinapos ng Far Eastern University ang pamamayagpag ng Adamson University sa Game Three ng Premier Volleyball League (PVL) Women’s Collegiate Conference semifinals, 21-25, 25-20, 25-22, 25-18, nitong Lunes para makopo ang huling Finals berth sa FilOil Flying V Centre.

Hindi nakalaro sa nakalipas na dalawang linggo sina Pons at Atienza dahil sa paglalaro nila sa UAAP Beach Volleyball tournament.

Ngunit sa kanilang pagbalik, nagpamalas sila ng all-around game sa ipinosteng 15 puntos, 14 digs, at 11 excellent receptions ni Pons, habang nagtala naman si Atienza bilang libero ng 21 digs at 14 excellent receptions.

“Iba talaga kapag nandiyan si Pons. Siya talaga nagpanalo sa amin,” sambit ni FEU head coach George Pascua.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

“Ako naman po, kapag nasa loob ako, ginagawa ko lang ‘yung best ko maging leader kasi ‘yun po ‘yung napansin kong kulang sa kanila nitong huling mga laro sa semis,” pahayag naman ni Pons.

Dahil sa panalo, nakabalik sa kampeonato ang Lady Tamaraws sa unang pagkakataon mula noong 2014 nang huli silang magkampeon.

Nakatakda nilang makasagupa ang reigning back-to-back champions National University sa best-of-three series na magsisimula ngayong hapon.