Nina BETH CAMIA, JEFFREY G. DAMICOG at LEONEL M. ABASOLA

Mananatili sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Sen. Leila de Lima matapos ibasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon nito na kumukuwestiyon sa inilabas na arrest warrant ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) kaugnay sa kasong umano’y paglaganap ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Sa botong 9-6, ibinasura ng mga mahistrado ng SC ang petisyon ni De Lima na ipawalang-bisa ang arrest warrant na inilabas ni Muntinlupa RTC Branch 204 Judge Juanita Guerrero kaugnay sa mga kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ).

Hiniling ng nakadetineng senadora sa kanyang petisyon na ibasura ang kasong isinampa sa Muntinlupa RTC dahil ang Sandiganbayan ang dapat na humawak nito, at ilegal ang mabilis na pagpapalabas ng arrest warrant.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Noong Pebrero 17, naghain ang DOJ prosecutors ng tatlong drug charges laban kay de Lima sa Muntinlupa RTC. Ini-raffle ang mga kaso at hawak ito ngayon ng branches 204, 205, at 206.

Inaakusahan si de Lima na sangkot sa paglaganap ng bentahan ng droga sa NBP habang siya ay Justice Secretary at diumano’y tumanggap ng pera mula sa inmate-drug lords para pondohan ang kanyang kampanya.

Ikinalugod ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang desisyon ng SC na pagtibayin ang hurisdiksiyon ng regional trial court (RTC) sa drug charges laban kay de Lima.

“I think that’s a correct decision,” ani Aguirre matapos ang botohan ng SC en banc.

Pinuri naman ni Solicitor General Jose Calida ang desisyon ng mataas na hukuman na aniya ay nagpapakitang “no one is above the law.”

“In allowing Judge Juanita Guerrero to proceed with the conduct of the trial, the Supreme Court showed its faith in the impartiality, ability and experience of trial court judges to dispense justice without fear or favor,” sabi ng Solicitor General.

Nagpahayag ang Liberal Party (LP) na iginagalang nito ang desisyon ng SC sa kaso ni de lima gayunman, iginiit na dapat pa ring ituring na inosente ang senadora hangga’t hindi napapatunayan na siya ay totoong nagkasala.

“The Bill of Rights of the 1987 Constitution states in Section 1 that ‘No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws’.

“This is an incontrovertible right that must be afforded Sen. De Lima, who we believe is innocent and is simply a victim of political persecution,” diin ng LP.