Ni REGGEE BONOAN
KUNG pinuri ni Aga Muhlach si Direk Cathy Garcia-Molina sa unang pakikipagtrabaho nila sa isa’isa sa Seven Sundays, na palabas na sa mga sinehan nationwide simula ngayong araw, inamin naman ng huli na na-tense siya sa aktor.
“Noong unang araw namin hindi ko alam kung kaya ko siyang sabihan ng take 2, take 3, iko-correct, kasi Aga Muhlach na siya, eh,” kuwento ni Direk Cathy presscon ng pelikula nitong Linggo. “Eh, best actor noong generation niya. So, ang hirap kasi mas experienced pa siya sa akin. Alam ko may ibang pagtingin siya sa eksena very different from mine.
“What I love about him is he trusted me. Thank you and ‘yun lang naman ang kailangan ko para mawala ‘yung hiya ko, mawala ‘yung inhibitions ko para mai-guide ko siya along with the other actors.”
Sa main cast ng Seven Sundays, si Enrique Gil pa lang ang nakakatrabaho ng isa sa blockbuster directors ng Star Cinema, sa seryeng Forevermore at pelikulang My Ex and Whys.
“Sa lahat po including Tito Ron (Ronaldo Valdez) sa MMK ko lang po siya naidirehe including Munting Paraiso. But for film, this is my first time with him. Si AA (Cristine Reyes) naman, kahit sa TV hindi ko pa siya naka-work, also Dingdong (Dantes). Maraming first. Si Quen lang po ang sawa na sa akin,” nakangiting sabi ng direktora.
May mga nabigla nang banggitin ni Direk Cathy sa presscon na dalawang taon na lang siya sa showbiz at magreretiro na pagkatapos.
Dalawang pelikula na lang ang gagawin niya sa Star Cinema, ang balik-tambalan nina Robin Padilla at Sharon Cuneta at isa pang Liza Soberano at Enrique Gil movie.
“My family needs me,” paliwanag ni Direk Cathy. “My kids need me. I have given enough for the business and my company. It’s time I give back my children my time.”
Nagpaalam na siya sa bosses niyang sina Ms. Malou Santos at Ms. Olivia Lamasan na hindi siya pinayagan, pero tutuloy pa rin siya.
Nagulat din at nakaramdam kami ng lungkot nang marinig namin ito, halos isang dekada na rin naming katsikahan ang direktora na nagtitiwala sa amin ng mga off the records na kuwento. Nagsimulang umangat ang career ni Direk Cathy sa pelikulang nagpasikat sa mga karakter na Popoy at Basha nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo noong 2007.
Bakit biglaan siyang nakaisip magretiro?
“Siguro nagkataon na nakahanap ako ng bagong partner in life who wants the same. Huwag na nating pangalanan,” pahayag niya.
Magpapakasal si Direk Cathy sa partner niya at gusto niyang maging plain housewife.
“Oo, parang matagal ko na ‘tong... parang I believe hindi ko nabigyan ng time ‘yung mga anak ko and they’re growing up, they just turned 12 and 11, and next year teenager na sila.
“And kung hindi ko man sila nasamahan noong formative years, baka sakaling masamahan ko na sila in their adolescent stage, which is very difficult and very problematic to most parents.
“Parang here I am making films about family, making films about love stories, pero hindi ko siya kayang praktisin sa sarili kong mga anak. So sabi ko, maybe it’s time. I have given enough. Parang more than half of my life I have given to the industry. Maybe it’s time I’ll give back.”
Kaya na ba niyang mamuhay na wala siyang kinikita sa showbiz?
“Sabi noong aking partner, siya raw ang bahala sa amin because the only dream I had, and open naman ako dito, is just to be a housewife and a mother. Never ko ‘yung naabot.
Ngayon someone is going to give it to me,” sagot ni Direk Cathy.
Binata ang guy.
“Yes, single, very much single.”
Pero posible naman daw ma-delay ang pag-alis niya sa showbiz.
“May contract is up to February 2019 and I’m not open to renew the contract, but according to Inang (Olive Lamasan) and Tita Malou, parang sinasabi nila na once a year (gagawa ng pelikula). Kasi nga gusto ko sa New Zealand.
“Sa isang single parent na tulad ko, ayoko mag-rely du’n sa partner ko lang getting older it’s hard, and it’s hard getting older here, eh, ang babata pa ng mga anak ko. Hindi ko naman ‘sinasara, eh. If I retire, it doesn’t mean I’m not gonna come back.
“Kaya lang kasi, for as long as what-if lang siya sa akin, lagi kong iisipin na it’s a better choice. So gusto kong i-live ‘yun o i-try. And then maybe, sabihin ko, ‘Ay, hindi pala ako para dito, I wanna go back,” paliwanag ng blockbuster director.
Bakit sa New Zealand?
“Tahimik,” sabay sabing, “ang ate ko, nakatira doon, ‘tapos siya nagsabi ng buhay. So last year, my kids and I went there to see and we loved it there.”
Taga-ABS-CBN din daw ang future hubby ni Direk Cathy pero ayaw na niyang sabihin kung sino at kung ano ang linya ng trabaho.
“’Pag sinabi ko malalaman n’yo na, tagarito (ABS-CBN), kaya huwag na saka ayaw kong magkaroon ng isyu kasi baka isipin na ginagamit ako because I’m a director. Hindi naman na siya secret sa iba. He’s a very private person, very simple person and he loves my kids. At ako humiling sa kanya na gusto kong maging housewife,” may pakiusap na sabi ni Direk sa kausap na reporters.
Gusto ba ng mga anak niya ang magiging hubby niya?
“They adore him.”