Ni: Rizaldy Comanda
LA TRINIDAD, Benguet – Masusing ini-imbestigahan ang pagkamatay ng isang pulis na naka-destino sa Natonin Municipal Police Station sa Mountain Province, matapos itong matagpuang patay sa ilalim ng Chico Jumbo Bridge, Bontoc, Mountain Province, nitong Sabado.
Kinilala ni Superintendent Carol Lacuata, regional information officer, ang biktimang si Senior Police Officer 4 Joseph Anganayon Aspilan, 49, at hindi pa tukoy kung aksidente o sinadya ang pagkamatay ng opisyal.
Dumalo umano si Aspila nitong Oktubre 5 sa JABRAC Meeting sa Mountain Province PPO (MPPPO) Conference Hall at pagkatapos ng aktibidad ay nagtungo itong Poblacion, Bontoc para bisitahin ang pamilya.
Tumigil umano ang biktima sa Jumbo bridge, at doon inintay ang pamilya hanggang dakong 4:30 ng umaga, nang makita ng mga dumaang tao ang duguang biktima sa ilalim ng tulay.