NI: Orly L. Barcala
Sa selda ang bagsak ng isang ginang na umano’y nahuli sa aktong nagpapataya ng jueteng sa tapat ng isang paaralan sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.
Paglabag sa Anti-Illegal Gambling ang isinampa laban kay Susana Ruiz, 51, ng Block 50, Lot 18 North Ville 2, Barangay Bignay ng nasabing lungsod.
Sa panayam kay Police Chief Inspector Jovencio Urbien, head ng Station Intelligence Branch (SIB), nakatanggap sila ng tawag tungkol sa tayaan ng jueteng sa tapat ng Valenzuela Special Education School na matatagpuan sa McArthur Highway, Bgy. Malinta.
Dahil dito, pinuntahan ng mga operatiba ng SIB ang lugar at nahuli sa akto si Ruiz na nagpapataya ng jueteng, pasado 11:00 ng umaga.
Narekober kay Ruiz ang P480 pusta, ballpen, at ledger.