Ni LITO T. MAÑAGO
EMOSYONAL ang unico hijo ni Piolo Pascual na si Iñigo Pascual sa natanggap na EdukCircle Award bilang Male Music Artist of the Year nitong October 7.
Nag-post ng photo ang singer/actor sa Instagram na makikitang hinahalikan ang kanyang tropeo.
Ang caption, simulan sa animo’y linya ng isang kanta, “Na ang dati kong PANGARAP, ay KATOTOHANAN na!”
Pinarangalan si Iñigo dahil sa carrier hit single na Dahil Sa ‘Yo ng kanyang self-titled debut album na ini-release ng Star Music nu’ng October 7 last year.
Memorable sa kanya ang award dahil sumakto sa anibersaryo ng pagkaka-release ng kanyang kauna-unahang album ang awarding rites ng 7th EdukCircle Awards sa AFP Theater.
Dugtong niya sa kanyang caption, “Masaya ako na makatanggap ng ganitong karangalan sa mismong araw na nagmarka ng Pinakaunang Anibersaryo ng Dahil Sa ‘Yo. Ang hirap na hindi maging emosyonal at maiyak sa saya ko ngayon.
“Dati, nakikita ko lang ‘yung mga awards ni Papa galing sa EdukCircle. Ngayong ‘di ako makapaniwala na may hawak na ako ng sarili kong EdukCircle Award.”
“Loveties, para sa inyo ‘to!”
Sa huli, pinasalamatan ni Iñigo ang lahat ng mga tagasuporta niya.
“Maraming salamat sa lahat ng suporta sa ‘Dahil Sa ‘Yo.’ Ipagpapatuloy ko ang pagsulat ng mga kanta!
“Masaya ako na napasaya ko kayo sa mga sinusulat ko. Mabuhay ang Musikang Pilipino. All Glory is Yours,” at tinapos niya ito sa pamamagitan ng hashtag na #1YearWithDahilSayo.
Bukod sa EdukCircle Award, tumanggap din ng karangalan bilang Song of the Year ang sariling komposisyon ni Iñigo na Dahil Sa ‘Yo sa 2017 Alta Media Icon Award.