Ni Rommel P. Tabbad
Hinamon ng Commission on Human Rights (CHR) ang Philippine National Police (PNP) na ilabas ang record ng mahigit 3,000 napatay na drug suspect sa giyera ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Ayon kay CHR Commissioner Gwen Pimentel-Gana, dapat patunayan ng PNP na mahigit sa tatlong libong sangkot sa droga ang kanilang napapaslang.
Ito ay kasunod ng naging pahayag ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa Qatari broadcaster Al Jazeera kung saan binanggit nito na pawang drug dealer ang mga napaslang.
“Ewan ko kung saan naman nakuha ni Secretary Cayetano ang kanyang figures at nasabi niyang lahat ‘yon ay drug dealers. That is why we are challenging the PNP na ilabas nila ang kanilang imbestigasyon doon sa mga 3,000 plus cases na sinasabi nila,” pahayag ni Gana.
Binanggit din nito na, “Papaano nag-conclude ang PNP na ang lahat ng mga tinukoy na napatay ay drug dealer kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon ng mga kaso ng Internal Affairs Service ng PNP?”