Ni REGGEE BONOAN

TAPOS nang talaga ang hibernation ni Aga Muhlach at ganado na siyang magtrabaho uli sa showbiz.

Nagpahayag siya sa presscon ng Seven Sundays na handa na siyang gumawa ng sitcom kasama sina Dingdong Dantes at Enrique Gil na si Direk Cathy Garcia-Molina ang direktor.

Sina Aga, Direk Cathy, Cristine, Ronaldo, Enrique at Dingdong copy

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Sana nga magka-sitcom kami,” sabi ni Aga na hindi nakakapagtaka kung magiging go-signal para sa ABS-CBN management.

“Gagawin na yata. Si Direk Cathy magdidirek kasi gusto niya sitcom. Dong, puwede ka ba? Paalam?”

Sumagot si Dingdong ng, “Ikaw na bahala, Kuya.”

“Direk,” baling ni Aga sa kanilang direktor, “ngayon na nakasama kita, gagawa ako ng teleserye, ikaw ang direktor.

Gusto ko tulad ni Enrique (Gil), sa Baguio (Forevermore), para hindi mainit.

“Si Aga Muhlach ‘yan,” sagot ni Direk Cathy. “Oo, oo ako, pero sana umabot siya kasi dalawang taon na lang ako.”

“Kakabalik ko lang after six years,” saad ni Aga, “ikaw naman ang aalis. Trabaho muna tayo ng isang teleserye. O kaya isang sitcom.”

Siyempre, inusisa ng press ang aktor kung bakit natagalan bago siya nagbalik-pelikula.

“It’s my being overweight!” diretsong sagot ni Aga. “I struggled for how many years losing weight dahil nagpahinga talaga ako. Every year na may nag-o-offer sa ‘kin ng love story, parang hindi ko kaya. Hindi ko kaya na lumabas na leading man na ganito’ng itsura ko, dahil hindi ko gagawin ‘yun.”

Ang pelikulang Seven Sundays ay kuwento ng magkakapatid na sina Dingdong, Enrique, at Cristine Reyes na may kanya-kanya nang buhay; si Aga ang panganay na medyo napag-iiwanan dahil sa probinsiya sila nanirahan ng pamilya niya.

Hindi na kailangan ni Aga na magpapayat kaya tinanggap niya ang pelikula.

“When the script was offered sa akin, sinabi sa akin na, ‘You don’t have to lose weight. You’re okay. But if you want to diet along the way, then go ahead, but the character doesn’t ask for that.

“Of course, nag-start naman ako magdiyeta rin, but ako magda-diet ako if I’m pushed against the wall. If you really watch the movie, makikita mo talaga, maputing buhok, malaki ang tiyan. Parang napag-iwanan talaga,” kuwento ng aktor.

Si Donita Rose ang gumanap na asawa ni Aga sa Seven Sundays at losyang din ang karakter nito.

“Si Donita was pregnant, buntis siya sa pelikula. May tatlo na kaming anak at pang-apat na ‘yan. I gave up everything just to take care of my family and our business,” aniya.

Nakaka-relate ba siya sa kuwento ng Seven Sundays na dying ang kanilang ama (ginagampanan ni Ronaldo Valdez)?

“When my mom died in 2008, namatay siya sa cancer, she was 56 years old and young. Ako naman, in real life really, meron akong acceptance with death. Death sa akin is parang part of life, when someone goes, it’s their time, I cried but hindi ko dinala, hanggang ngayon hindi ko dala-dala. So meron akong ganu’n.

“Basta sa sarili ko nakahanda ako na one day, sana mas mahaba para makita ko ‘yung mga anak kong magsilakihan pa, I know if it’s my time, it comes, ganu’n, eh. Ako ‘yung tipong anak na in denial, alam mo ‘yung iba na dalang-dala at magsasabing ‘okay lang ‘yan. Pero masakit din. Hindi ako nagre-react, eh, walang ganu’n,” kuwento ni Aga.

At ang gagawin niya sa “last seven sundays” -- sa istorya, pitong linggo na lang mabubuhay ang character ni Ronaldo -- ng buhay niya, “With my family and make the most out of it.”

Ngayong gabi ang premiere night ng Seven Sundays sa SM Megamall Cinema 7 at mapapanood na simula bukas sa mga sinehan sa buong Pilipinas.

Bukod kina Aga, Enrique, Dingdong, Cristine, Donita, at Ronaldo ay kasama rin sa cast sina Kean Cipriano, Ketchup Eusebio, April Matienzo, Jeffrey Tam, Kyle Echarri, Kin Billote, Angelee Cruz, Gabrie Iribagon at Alyanna Angeles produced ng Star Cinema.