Nina Argyll Cyrus B. Geducos at Leonel M. Abasola
Iginiit ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na hindi maaaring makapagtala ng extrajudicial killings (EJKs) sa Pilipinas dahil wala namang batas na nagpaparusa ng kamatayan.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Philippine National Police (PNP) na walang kahit isang kaso ng EJK sa bansa.
Sa isang panayam sa DZBB kahapon ng umaga, sinabi ni Andanar na hanggang walang batas na nagbabalik sa parusang kamatayan sa bansa ay walang maaaring maging kaso ng EJK.
“Ang tanong ko, meron bang judicial killing sa bansa natin? Meron bang capital punishment? Wala. So, bakit may tinatawag na extrajudicial killings, e, wala nga tayong state-sanctioned killing,” paliwanag ni Andanar.
STATE-SANCTIONED KILLING
Nilinaw din niyang hindi nakasaad sa 1987 Constitution ang state-sanctioned killing, kaya ang mga napapatay sa drug war ay nasawi sa lehitimong operasyon ng pulisya o kaya naman ay pinatay ng mga taong sangkot sa kalakalan ng droga.
“‘Yung mga napatay, either namamatay sila dahil lumaban sa mga pulis sa anti-drug operations or namamatay sila dahil nili-liquidate sila ng mga kasamahan nila sa drug industry,” sabi ni Andanar.
Iginiit din niyang muli na hindi ipinag-uutos ng gobyerno ang anumang pagpatay.
Isinusulong ni Pangulong Duterte ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa. Gayunman, inulan ng batikos ng publiko ang Kongreso makaraang magpasya ang House Majority bloc na hindi isama ang mga kasong plunder, rape, at treason sa listahan ng mga krimeng papatawan ng parusang kamatayan.
ANO ANG EJK?
Nitong Sabado, tiniyak ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa publiko na tinutugunan ng gobyerno ang mga patayan sa bansa.
“These deaths are being addressed to ensure the accountability of perpetrators, even as it calls upon witnesses and individuals who can provide valuable evidence that will lead to speedy resolution of cases,” ani Abella.
Binanggit din niya ang kahulugan ng EJK, alinsunod sa Administrative Order (AO) No. 35, upang bigyang-diin ang pagkatig niya sa sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokersman Chief Supt. Dionardo Carlos na walang kahit isang kaso ng EJK sa bansa.
“EJK are referred to as killings where ‘the victim was a member of, or affiliated with an organization, to include political, environmental, agrarian, labor, or similar causes; or an advocate of above-named causes; or a media practitioner or person(s) apparently mistaken or identified to be so’,” ani Abella.
Ito ay kasunod ng pagsasapubliko sa resulta ng Social Weather Station (SWS) survey na nagsasabing 73 porsiyento ng mga Pilipino ang natatakot na sila, o kanilang kakilala, ang susunod na mabiktima ng EJK.
‘GINAGAGO ANG TAUMBAYAN’
Iginiit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang maniniwala sa pahayag ni Chief Supt. Carlos na walang EJK sa bansa.
Sa hiwalay na panayam sa kanya ng DZBB kahapon, sinabi ni Drilon na pawang kasinungalingan at panloloko ang ginagawa ng PNP.
“Ginagago tayo ng police spokesperson na ito. Akala niya ba maniniwala ang taumbayan at maniniwala na walang extrajudicial killings sa ating paligid?” ani Drilon.
“‘Yung si (Kian Loyd) Delos Santos, hindi na extrajudicial killing ‘yan? Lahat naman sinasabi na halos apat na libo, inaamin mismo ng kapulisan na halos apat na libo ang namatay na sinasabi nila nanlaban, eh, ‘yan po ang extrajudicial killing. Ibig sabihin hindi pinadaan sa husgado, walang trial, bigla na lang guilty, pinatay.
“So, ‘yan po ay kasinungalingan, niloloko ang taumbayan, ginagago ang taumbayan,” sabi pa ni Drilon.