Ma. Lourdes Sereno
Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Nina BETH CAMIA at ELLSON A. QUISMORIO

Malaki ang posibilidad na ma-impeach si Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay House Deputy Speaker Fredenil Castro, posible ito lalo pa at “overwhelming” ang mga ebidensiya at batayan ng impeachment laban sa punong mahistrado.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“There is a strong possibility that she could be ousted,” sabi ng 2nd representative ng Capiz, sa panayam ng DZBB.

Inihalimbawa ni Castro ang naging kapalaran ni dating CJ Renato Corona, na na-impeach noong 2011 dahil sa hindi paglalahad ng kabuuan ng kanyang yaman sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Kabilang sa mga alegasyon ni Atty. Lary Gadon sa kanyang impeachment complaint laban kay Sereno ay ang kabiguan ng CJ na ilagay ang kabuuan ng kanyang yaman sa SALN.

Sinabi ni Castro na may sinusundan nang desisyon ang Kongreso, kaugnay sa usaping ito, halimbawa na lamang ang pagpapatalsik kay Corona.

“May sinusundan nang desisyon noon ang ating Kamara at ang ating Senado... Si Chief Justice Corona ay na-impeach because of the SALN na hindi idineklara. That was the bulk of the argument against [him],” punto ng Deputy Speaker.

Subalit ang kapalaran naman daw ni Sereno ay nakasalalay pa rin sa pagtukoy sa probable cause ng reklamong impeachment ni Gadon.

Sa oras aniya na mapatunayang nabigo nga si Sereno na ideklara ang yaman nito sa kanyang SALN, malaki ang posibilidad na mapatalsik ito sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.

“Ngayon kung mapapatunayan na talagang tinago niya ang ibang yaman niya, ibig sabihin ay delikado siya,” ani Castro.