Lahat ay sang-ayon na dapat maparusahan ang mga nagkakalat ng fake news – sila man ay opisyal ng bayan o “irresponsible” bloggers.

Para kay Senador Bam Aquino, panahon na upang gumawa ng batas laban sa fake news at panagutin ang mga nagkakalat nito – at dapat mas mabigat ang parusa kapag ang gumagawa nito ay opisyal ng pamahalaan.

“Public servants should be held to a higher standard. May hangganan ang kalayaan. Ito ang dahilan kung bakit mayroon tayong batas kontra libel at laban sa anumang pagbabanta ng ibang tao,” paliwanag ni Aquino.

Nagkakaisa ang mayorya at minorya sa Senado na kailangan ng batas para labanan ang pekeng balita.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Kamakailan ay naghain si Sen. Joel Villanueva ng panukalang parusahan ang mga taong nagkakalat ng pekeng balita.

Pabor din si Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa hakbang ng Kongreso na supilin ang pagkalat ng fake news sa bansa.

Ipinanukala ni Andanar na magdaos ng “media literacy program” upang tulungan ang publiko na matukoy ang totoo mula sa pekeng impormayon, lalo na sa social media.

“Ako ay pabor sa hakbang ng ating Kongreso, ng ating Senado na kailangan ay matigil na itong fake news,” ani Andanar sa panayam sa telebisyon kamamailan.

Naniniwala si Andanar na dapat sumunod ang bloggers sa journalism code of ethics. Gayunman nasa kamay ng mga mambabatas ang pagpapasya sa usaping ito, aniya.

Binigyang-diin naman ni Vice President Leni Robredo na dapat sumunod ang bloggers sa parehong patakaran na ipinapatupad sa journalists at magkaroon ng sense of accountability.

“I hope the rules that bind traditional media should be the same rules that bind them,” ani Rodredo sa isang istasyon ng radio.

Pinuna ng Vice President ang “irresponsible” bloggers na inaabuso ang freedom of speech, na ginagamit ito bilang lisensiya sa pagkakalat ng mga kasinungalungan.

Ayon kay Robredo, ilang beses nang nabiktima ng fake news, unfair para sa traditional media na ma-discredit dahil sa bloggers.

“The blogs that we see, it is as if they are saying traditional media is lying,” ani Robredo.

“And it is also wrong because they think they are not bound by rules like you are, they think they can say anything,” dagdag niya. - Leonel M. Abasola, Genalyn D. Kabiling at Raymund F. Antonio