Ni REY G. PANALIGAN

Bago pa man nagplano ng pag-atake sa New York sa Amerika noong nakaraang taon, kinasuhan ng kidnapping at murder sa Department of Justice (DoJ) ang Pilipinong terorista na si Dr. Russel Langi Salic.

Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na nahaharap sa mga kasong kriminal si Salic sa DoJ makaraang kasuhan ng limang residente ng Iligan City na sina Gabriel Tomatao Permitis, Alfredo Sarsalejo Cano-os, Esperanza Permitis, Adonis Antipisto Mendez, at Julito Permitis Janubas.

Batay sa kaso, dinukot umano ng grupo ni Salic sina Jaymart Capangpangan at Salvador Janubas noong 2016, at kalaunan ay pinugutan.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Nakasaad sa reklamo na dinala ang mga biktima sa Butig, Lanao del Sur, kung saan orihinal na nagkuta ang Maute Group.

Inakusahan nila si Salic bilang utak ng grupong nagsasagawa ng mga pagdukot.

Ayon pa sa mga nagreklamo, nakipag-usap umano si Salic sa mag-asawang Cayamora at Farhana Maute, mga magulang ng Maute Brothers. Matatandaang kinasuhan ng rebelyon ang mag-asawa kaugnay ng pagkubkob ng Maute sa Marawi City noong Mayo 23.

Sa kabila ng mga kinahaharap na kaso sa Pilipinas, kinumpirma kahapon ni Aguirre na isusulong ng gobyerno ang extradition ni Salic sa Amerika kaugnay ng pagkakasangkot nito sa tangkang terrorist attack sa New York noong 2016.

Bukod kay Salic, kinasuhan din sa tangkang pag-atake ang Canadian na si Abdulrhaman El Bahnasawy at ng US citizen na si Talha Haroon. Sa New Jersey inaresto si El Bahnasawy, habang sa Pakistan naman dinakip si Haroon. Si Salic ang nagpondo sa pinlanong terrorist attack.

Abril ngayong taon nang naaresto sa Pilipinas si Salic, at simula noon ay nakapiit sa National Bureau of Investigation (NBI).

“We have to begin the extradition proceedings being requested by the US. We have a process to be followed and this has been done many times in the past. The preliminary investigation will continue, in the meantime,” saad sa pahayag ni Aguirre.