NAKIPAGTULUNGAN ang Department of Health (DoH) sa non-governmental organization (NGO) na World Vision, upang magsagawa ng monitoring at iulat ang anumang paglabag sa mga batas sa pagpapasuso sa bansa, sa pamamagitan ng mga text at mobile application.

Ayon kay Health Secretary Dr. Paulyn Ubial, saklaw ng pagtutulungan ang paglikha ng mga mobile application, isang text messaging service, at isang website upang mabigyan ng pagkakataon ang mga karaniwang Pilipino na makapag-ulat ng mga hindi nakatutupad sa dalawang batas na nagsusulong ng pagpapasuso ng mga ina, partikular sa lugar ng trabaho, sa mga lugar sa bansa kung saan una itong inilunsad.

“The signing of an agreement with World Vision is to establish an online reporting system for violations of Executive Order 51, which is the Milk Code of 1986, and Republic Act No. 10028 (Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009),” sabi ni Ubial.

Sinabi ng kalihim na sa pamamagitan ng programa ay matitiyak na suportado ng mga kumpanya ang mga inang manggagawa na nagpapasuso, na nangangailangan ng sandaling panahon ng pahinga at isang pribadong silid sa lugar ng trabaho upang mailabas ang kanilang gatas.

“There are many violations of the Milk Code. Ang problema natin is, before nahihirapan kami kasi it was only the DoH and FDA (Food and Drug Administration) that do it. Ngayon, we have partners. Kaya ‘yung agreement signing with World Vision will create the platform, pero ‘yung partners natin, like the NGOs Arugaan, Breastfeeding Pinays and even the LGUs (local government units), can report,” paliwanag ni Ubial.

Sinabi ni World Vision National Director Rommel Fuerte na layunin nilang gumamit ng crowd-based monitoring sa mga tumutupad sa dalawang nabanggit na batas.

Ayon kay Fuerte, ang mga lalabag ay maaaring magsumbong sa 29290-6237 (MBFP), at kailangan lamang na tukuyin ang pangalan ng lumabag, saan at kailan nangyari ang paglabag, at ang detalye ng mismong paglabag.

Maaaring i-download ng mga Android at iOS user ang mobile application, ang MBF PH, upang makapag-ulat ng mga paglabag sa Milk Code at RA 10028, o para malaman ang mga benepisyo ng pagpapasuso sa ina at sa kanyang sanggol.

Maaaring mag-log on sa www.mother-babyfriendlyphilippines.org upang mag-report ng mga paglabag sa mga batas sa pagpapasuso. - PNA