Ang Dubai pa rin ang ginagamit na jump-off point ng mga Pilipino na pumupuslit para magtrabaho sa Afghanistan, Iraq at Lebanon, saad sa pahayag ng isang manpower expert.

Ayon sa recruitment and migration lobbyist na si Emmanuel Geslani, ang Dubai, kabisera ng United Arab Emirates (UAE), ay nagiging “gateway” ng illegal OFWs na nais magtrabaho sa mga nabanggit na bansa kung saan patuloy na umiiral ang deployment ban.

Ayon kay Geslani, nangyayari pa rin ang illegal migration sa kabila ng mga pagsisikap ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

“Our sources from Dubai report that Filipino tourist workers have slipped out from Manila using the country’s airport or through the southern backdoor and getting to Bangkok where the illegally recruited Filipinas pick up their entry visas to Dubai and are farmed out to Emiratis willing to pay as much as 4,000-5,000 dollars per housemaid,” saad ni Geslani.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Sinabi niya na ilan sa mga bumibiyahe patungong Dubai bilang turista ay talagang sa malalaking “US bases in Afghanistan” ang destinasyon kung saan kailangan ang serbisyo ng mga Pilipino.

Bunga ng desisyon ni US President Donald Trump na dagdagan ang mga tropa ng US mula 11,000-14,000, sinabi ni Geslani na inaasahan na niyang dadami pa ang mga Pilipino na babalik sa kanilang mga dating trabaho sa Afghanistan sa ilalim ng international contractors na kinuha para magserbisyo sa US bases.

Patuloy naman ang pagtaas ng demand para sa Pinay household workers sa Lebanon sa pagbuti ng peace and order situation doon.

Nitong Biyernes lamang inayos ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang repatriation ng 51 distressed Filipinos mula UAE, bukod sa 79 iba pa na pinauwi noong nakaraang buwan.

Sinabi ng DFA noong Huwebes na karamihan sa mga ito ay pumasok sa UAE gamit ang tourist visa at nabiktima ng human trafficking.

Umaasa ang DFA na mababawasan ang kaso ng human trafficking at illegal recruitment sa paglagda ng PH-UAE Memorandum of Understanding on Labor Cooperation nitong Setyembre 2017, at ng Law of Domestic Workers na magkakabisa sa susunod na buwan.

Sa kasalukuyan ay mayroong 700,000 Pinoy na nagtatrabaho sa UAE. - Roy C. Mabasa